Mommy Eva Cariño, miss na miss na si Rustom Padilla!

NAGKUWENTO SA akin si Mommy Eva Cariño nang puntahan ko siya sa da-ting bahay nina Carmina Villaroel at Rustom Padilla noong sila ay mag asawa pa.
Ayon kay Mommy Eva, ang bahay na nasa Parañaque ay napunta kay Rustom na paminsan-minsan ay kanyang dinadalaw dahil siya raw ay nakatira sa bahay ng anak niyang si Rema.
“Siyempre noong una, gulat na gulat ka-ming lahat nang aminin niyang gay siya, ‘di ba? Kasi, nagbaril-barilan pa noon nu’ng ma-issue ‘yun. Pati si Robin (Padilla) muntik ding mapahamak, kaya kami ni Liezel (Sycangco) tag-isang hita kami sa hawak ni Robin huwag lang itong lumabas ng bahay. Kasi haharapin niya talaga sina Anjo (Yllana) nu’n.Tapos ganun… kaya gulat na gulat kami. Pero bilang ina siyempre kahit ano pa ay tatanggapin mo, lalo pa at alam mo namang masaya siya sa kanyang ginagawa.”
Ayon kay Mommy Eva, okey lang na nag-cross dress si BB dahil maganda naman ito. “Sa totoo lang, kung naging babae lang talaga si BB, siya ang pinakamaganda sa mga anak ko. Sa tatlong anak kong babae, siya ang pinaka- pretty,” tumatawang sabi pa ni mommy Eva sa Pinoy Parazzi.
Buong pagmamalaki pang sinabi ni Mommy Eva na nakakainggit daw ang bewang ngayon ni BB. “Imagine, 24 lang ang bewang niya. Tapos may balakang na siya. Nakakatuwa, ‘di ba? Ibig kong sabihin, masaya si BB sa buhay niya ngayon at masaya na rin ako sa kanya.
Sa pagkukuwento ni Momy Eva ay aming napag-alaman na bago pa magladlad si Rustom ng kanyang kapa ay niregaluhan niya ang ina. “Ang regalo niya sa akin ‘yung picture niyang poging-pogi siya. Ang laki-laki ng katawan niya. Lalaking-lalaki siya. ‘Yun na pala iyon. Hindi ko na pala makikita si Rustom dahil sa pagbabalik niya, BB na ang bagong katauhan niya.”
Nami-miss daw ni Mommy Eva si Rustom. “Nami-miss ko si Rustom. Kasi ‘yung Rustom na anak ko, sobrang mapagmahal sa akin. Mapagmahal din si BB, pero siyempre iba pa rin ‘yung anak mo na nakasama mo mula sa pagkabata. Pero sabi nga niya, patay na si Rustom, kaya wala na rin akong magagawa. Eh, ‘di sige, tanggapin na lang kung ano ang nariyan. Basta ang mahalaga ay walang tinatapakang ibang tao si BB at masaya siya sa mundo niya.
Sabi ni Mommy Eva, tinanggap ng kanilang pamilya si BB pero isa lang ang magagawa ni BB na ikasusumpa ng kanilang pamilya. “Pinag-usapan naming huwag na huwag siyang magpapa-sex transplant, dahil siguro iyon na ang sukdulan para magalit ako sa kanya at ang mga kapatid niya. Hindi puwede iyon!”
What if, mommy? Giit na tanong namin.
“Hindi puwede. Nangako siya sa akin na hindi siya magpapa-sex transplant at alam kong tutuparin niya iyon.”
Hindi raw mai-imagine ni Mommy Eva ang kanyang magiging reaction sampu na ng kanyang buong angkan kapag nagpatanggal ng pagkalalaki si Rustom. “Iyon ang huwag na huwag niyang gagawin. Dapat sumunod siya sa usapan namin. Hindi puwedeng mangyari iyon. Hindi puwede talaga,” pagdidiin pa ng aming kausap sa kanyang pagwawakas.
Pero habang tinitipa namin ang kolum na ito ay may nakarating sa aming balita na totoo raw na nagpa-sex transplant na si BB, kaya lang ay hindi nito maamin dahil sa takot na baka tuluyang talikuran na ng kanyang pamilya. Tsuk!

 

More Luck
by Morly Alinio

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.