Mommy Dionesia, pinagpakitaan ng Mahal na Birhen!

ABANGAN N’YO sa Startalk sa Sabado dahil may kuwento kami tungkol kay Mommy Dionesia Pacquiao na dinalaw ng staff namin sa General Santos nu’ng nakaraang Sabado.

Bongga raw ang ipinatayo niyang bahay, malapit sa isang mansyon ng mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao.

Kasi naman, ang gusto na raw niya ngayon ‘yung bahay niya dati. Ang taas ng hagdananan kasi nu’ng bago at nahulog siya du’n nu’ng nakaraang taon.

Mabuti na lang at ‘di naman siya nasaktan nang husto dahil sumabit daw siya sa may hawakan ng hagdanan. Kaya ayaw na niya na may hagdanan dahil hirap na rin siya umakyat-panaog.

Ngayon ay ginagawa pa ang bahay na ‘yun at naabutan nga raw ng mga taga-Startalk na tinatalakan ang engineer niya dahil hindi pa rin tapos ang bahay niya.

Kailangan daw matapos na ngayong buwang ito kasi bisita niya si Aga Muhlach sa susunod na buwan para i-feature siguro sa Pinoy Explorer.

Anyway, medyo mabigat ang kuwento ni Mommy Dionesia na umiyak-iyak a siya dahil pa rin sa isyung pagbabago ng relihiyon ni Manny Pacquiao.

‘Yun na lang daw ang iniiyakan niya madalas dahil hindi na raw niya nakakasama ang anak niya sa pagsisimba tuwing Linggo.

Pati ang sa imahe ng Mahal na Birhen ay hindi na rin pinaniniwalaan ni Manny, dahil idolatry raw ito.

Parang ‘di naman yata ako agree riyan at malamang na magri-react diyan ang mga Katoliko.

Tama naman si Mommy D, na ‘yun ang kinalakihan nila at doon sila nagtagumpay, tapos ngayon naiba na ang pananampalataya mo.

Although, parehong Diyos naman ang pinaniniwalaan natin, kaya lang ibang-iba na ang practice sa dati niyang ginagawa na siyang nagluklok naman sa kanya sa tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Pero bilang matindi ang paniniwala ni Mommy Dionesia sa Diyos at sa Mahal na Birhen, malaki raw ang pag-asa niyang mababago pa rin niya ang kanyang anak.

Abangan n’yo ‘yan sa Sabado, dahil may kuwento pa si Mommy Dionesia tungkol sa pagpapakita raw sa kanya ng Mahal na Birhen.

Sobra siyang kumbinsido na talagang naghihimala sa kanya si Mama Mary. Kaya ganu’n na lang ang pananampalataya niya at pagkapit sa dasal.

 

AS OF presstime, hindi ko pa alam kung natuloy ang pagkikita nina Matt Evans at ng dati niyang girlfriend na naanakan niya sa hearing kahapon.

Pre-trial na raw kasi ng kasong Rep. Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children na isinampa nitong babae laban sa aktor, pagkatapos ng isyung bugbugan.

Ang pangalan nung babaeng ‘yun ay si Johneline Hickins na anak pala ng dating bold star na si Coca Nicolas.

Nagpakilala ‘yan sa akin nu’ng minsang nagkasabay kami sa parlor ni Bambi Fuentes. Maganda siya, at ang cute ng anak nila na bitbit niya nu’ng nagkita kami.

Ikinuwento nga niya sa akin ang kaso at nabanggit din niyang magpa-file daw siya ng isa pang kasong Child Support dahil hanggang ngayon ay wala man lang daw siyang natanggap kahit isang latang gatas para sa kanilang anak.

Ang alam ko, nakapag-file na siya at isa pa ‘yun sa maaring diringgin sa korte.

Pero itong sa Rep. Act 9262, umuusad na ang kaso at dapat maghaharap sila sa pre-trial.

Pinuntahan du’n ng Startalk pero, habang nagdi-deadline ako, wala pa silang balita sa akin dahil wala pa du’n ang dalawa.

Dapat harapin ito ni Matt dahil anak niya naman ang involved dito. Kahit hindi maganda ang paghihiwalay nila, may anak sila, kaya dapat na magkaroon siya ng responsibilidad sa bata man lang.

Abangan n’yo rin ang kuwentong ‘yan sa Startalk sa Sabado, ‘day!

 Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

2 thoughts on “Mommy Dionesia, pinagpakitaan ng Mahal na Birhen!

  1. nakkatuwa naman c aling dionisia…baka namn white lady ang nakita mo…o yong mga images na nasa bahay mo ang nakita mo…o nagppapansin k lang para bumalik c paquiao s religion mo….

Leave a Reply

Your email address will not be published.