Modus sa phonebook ng cellphone

• +6394858xxxx – Boss Raffy, gusto ko po sanang ipaalam sa inyo ang isang modus. Mayroon pong mga kumakalat ngayon na nangunguha ng cellphone. Tatawagan nila ang mga nakalista sa phonebook at ite-text at magkukunwaring kakilala at magpapanggap na sila ang may-ari ng cellphone. Hihikayatin na makipagkita at kunwari ay mayroong trabaho na iaalok at kapag pumayag ang kanyang kausap, dito na bibiktimahin, nanakawan ng cellphone, pera at suot nitong alahas. Kapag hindi nahuli ang mga taong ito siguradong napa-karami pa ang bibiktimahin nila. Sana naman ay maipahatid ninyo sa kinauukulan ang probleman ito. Umaasa po kami sa mabilis ninyong aksyon.

 

• +63933386xxxx – Boss Tulfo, pakibigyan po ng leksyon ang mga Caloocan pulis. Trabaho nila na hulihin ang mga prostitute sa Araneta Square, Puregold, Nice Hotel at Astrotel ngunit nangungumisyon pa ang mga tusong pulis na ito lalo na ‘yung mobil na may body # N126. Sobra ang garapal kung manghingi sa mga bugaw. Kaya pala holdup sex ang labanan kasi pulis ang may hawak. Napakarami ang nagbebenta ng katawan para mabuhay at ang mga kunsintidor na pulis na ito ang nakikinabang. Sir, tulungan po natin sila at sana po masugpo ang maling gawain ng mga pulis na ito. Salamat po.

 

• +63930829xxxx – Sir Raffy, ako po si Bernie Soriso na isang taxi driver. Ako po ay nahuli kahapon sa lugar ng Caloocan. Nagtataka lang po ako sa dalawang traffic enforcer na nanghuli sa akin. Tama po ba na dalawa ang pumirma sa aking tiket samantalang isa lang naman ang humuli sa akin. Ako po ay umalma sa nasabing traffic enforcer na bakit kailangan na dalawa ang pumirma sa tiket, kaya ang ginawa ng enforcer ipinasa na lamang sa kasama niya at lumayo. Sana po ay maparating ninyo ito sa kanilang pinuno.

 

• +63938405xxxx – Idol Raffy, kami ang mga grupo ng janitor na hihingi ng tulong sa ‘yong programa. Ang pangalan po ng aming agency ay Pinlan Enterprises Corp. Sinisingil po kami ng P4,000 para raw po sa seminar ng janitor. At hindi pa po natatapos do’n, pinagbabayad din po kami ng P800 para naman daw po sa insurance na wala naman kaming pinanghahawakan na policy. Sobra na po ang panggagatas sa amin ng agency, sana po tulungan naman ninyo kami. Matagal na po nilang raket ito. Idol, ikaw na lang ang pag-asa namin.

 

• +63935985xxxx – Sir Idol, tungkol po ito sa mga karne na galing sa storage meat. Ang bawat kahon po ay may naka-marka na ang expiration date ay 2 years, bago masira at ang presyo ay napakamura. Nakakaawa naman po ang makakakain ng mga karneng ito. Maaari tayong makakuha ng kung anu-anong sakit kapag ito ay nakain natin. Mayroon pong dalawang storage sa Pasig at sa Marikina naman ay meron din, ang Polar Bear Ice Plant. Salamat po.

 

• +63916323xxxx – Sir idol, trucking po kami from Cagayan Valley, gusto ko pong isumbong sa inyo ang ginagawang pangongotong sa amin ng PNP mobil. Bago at paglampas po ng fly-over sa Bocaue, mayroon pong nakaabang na mobil patrol at hihingan nila ng P20 bawat truck na dadaan. Walang awa sa kapwa kung mangotong ang mga pulis na ito. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin.

 

Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Kasabay na mapapanood din ito sa Aksyon TV sa free Channel 41. Channel 1 sa Cignal Cable at Channel 7 sa Destiny Cable.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.