Modus Operandi

NARITO ANG ISANG modus operandi na nagiging talamak na sa mga mall na dapat ninyong malaman para maiwasang maging biktima.

Si Luzalde Libres, 32 years old, residente ng Balara, Quezon City at isang seaman ay dumulog noong November 3, sa action center ng WANTED SA RADYO. Ayon kay Luzalde, noong October 29, bandang 7:00 p.m., pumunta siya sa SM North EDSA kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Philip Roy para mag-shopping.

Habang nagpi-picture-taking ang magkapatid sa loob ng mall, itinuro ng isang tomboy ang dalawa sa isang security guard (SG). Lumapit ang SG kay Luzalde at inimbitahan itong sumama sa security office. Bagamat nagulat, nagpaunlak na rin si Luzalde.

Pagdating nila ng security office, isang saleslady ang naroroon. Muling nagulat si Luzalde, dahil kadarating lang nila ng mall at wala pa silang napapasukang mga tindahan, kung bakit may saleslady doon na animo’y may reklamo laban sa kanila.

Makalipas ang 15 minutes, saka pa lamang dumating ang tomboy at inakusahan si Luzalde ng pandurukot. Pero inamin ng tomboy na wala naman talagang nadukot sa kanya. Maging ang saleslady na magsisilbing testigo pala ng tomboy ay umamin din na hindi niya nakita si Luzalde na aktuwal na nandurukot kundi nakita lamang niya ito na nakapamulsa.

Sa salaysay ng tomboy at ng testigo, maliwanag na gumagawa lamang sila ng istorya kaya aalis na sana sina Luzalde, ngunit pinigilan sila ng SG at pinilit na makipag-usap at makipag-areglo sa tomboy.

Sinabi ng tomboy kay Luzalde na aminin lamang na tinangka niyang dukutan siya at hindi na ito magsasampa ng reklamo, at makakauwi na rin silang magkapatid. Pero pumalag si Luzalde, sinabi niyang wala siyang dapat aminin dahil wala naman talaga siyang kasalanan.

Ngunit masigasig ang tomboy sa pagpupumilit kay Luzalde. Pati ang SG ay nakisawsaw na rin sa pagpe-pressure kay Luzalde na pumayag na sa kahilingan ng tomboy para matapos na at makauwi na sila. At dahil sa pagod at sobrang gulo na ng isipan, at sa kagustuhan na ring makauwi, um-oo na lang si Luzalde. Siya namang alis ng tomboy at saleslady.

Pagkalipas ng ilang sandali, dumating ang isang mobile patrol car sakay sina PO1 Michael delos Reyes at PO1 Oliver Pascual. Inintrega sa mga ito ng SG ang magkapatid na Libres. Bagamat walang complainant, isinakay ng mga pulis sa mobile sina Luzalde.

Pero sa halip na dalhin sa presinto, dinala nina Delos Reyes at Pascual sina Luzalde sa isang bahay sa Agham Road sa Brgy. Pag-asa sa Quezon City. At doon naghihintay naman ang dalawa pang pulis na nakilalang sina PO3 Federico Lictawa at PO1 Oscar Carag Jr. Ang nasabing bahay ay napag-alamang pag-aari ni Lictawa.

Doon, sinamsam ng mga pulis ang lahat ng mahahalagang bagay sa magkapatid tulad ng isang mamahaling relo, iPhone, digital camera at P2,400. Matapos masimot ng mga pulis ang lahat ng mapakikinabangang bagay sa dalawa, saka nila pinakawalan ang mga ito.

Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, sa tulong ng WSR, naisampa na ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga nabanggit na pulis tulad ng grave misconduct at robbery extortion.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.