Modus Operandi sa ‘Sex-for-Flight’

AYON SA mga impormasyon at salaysay na ibi-nigay ng mga biktimang overseas Filipino worker (OFW) sa mga opisyal ng grupong Migrante sa Saudi Arabia, inilahad ang modus operandi sa ‘sex-for-flight na isinasagawa diumano ng ilang opisyal ng POLO at embahada sa Gitnang Silangan.

1. Karaniwan, tatanungin ng embassy o labor official ang isang tumakas o distressed na OFW na nasa panga-ngalaga ng Bahay Ka-linga o Filipino Workers Resource Center (FWRC), kung mayroon siyang perang pambili ng tiket sa eroplano, pambayad sa multa sa pagiging takas, at pambayad sa sponsor-employer na kadalasang humihingi ng kabayaran o reimbursement sa gastos sa OFW.

2. Pito sa 10 OFW ay inaasahang sasagot ng walang kapera-pera at kailangang-kailangan nila. Pagkatapos, ang opisyal, na umano’y miyembro ng sindikato na nag-o-operate sa loob ng embahada o POLO sa Gitnang Silangan, ay patagong kakausapin ang OFW para mag-offer ng ‘indecent proposal’ na may posible itong ‘kliyente’ kapalit ng pera.

3. Pagsapit ng gabi, susunduin ng OFW ng isang driver o staff ng embassy at labor official, na ring-leaders ng modus na ‘sex-for-flight’.

4. Ang presyo, ayon na rin sa direktang  impormasyon mula sa mga OFW na biktima ng ‘sex-for-flight’ modus, ay naglalaro mula 500 rials hanggang 1,000 rials. Ang ilang sobrang desperadong OFW ay kumakagat sa mas mababang 100 hanggang 300 rials.

Hinihikayat naman ng grupong Migrante ang OFW na biktima ng ‘sex-for-flight’ na makipag-ugnayan sa kanilang mga opisina sa Saudi Arabia at mga bansa sa Gitnang Silangan, para matulungan ang mga ito sa paghahain ng pormal na reklamo. Tutulungan din sila na makipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensiya para sa kanilang seguridad at kaligtasan, at para protektahan ang kanilang tunay na pangalan at identidad.

Maaari ring makipag-ugnayan kay John Leonard Monterona, MIGRANTE-Middle East and North Africa coordinator – e-mail: migrante.mena@gmail.com; mobile no. 0063 923 420 0112.

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.