Modista (24)


August 5, 2009
Visited 517 times, 1 so far today
under Feature Stories
Post Tags: , , , ,

MAY MGA NAGSASABING si Jean daw ang nagpasimula. May mga nagsasabi namang, sumunod lang si Jean. Tulad ng naganap sa kanilang ina, walang katiyakan ang usapan ng mga tao. Tatlong araw na nakapinid ang bahay ng magkakapatid. Maging ang mga bintana’y nakapinid. Kahit na anong katok at sigaw ng mga kukuha ng mga pinatahi’y walang nagbubukas ng pintuan.

Sa ikatlong araw, ‘di na nakatiis ang mga kapitbahay. May kakaibang mabahong amoy na nagmumula sa bahay ng magkakapatid. Pinakiusapan nila ang mga basurero upang pasukin ang bahay. “Baka may nabubulok na daga. O kaya nama’y basura. ‘Asan na ba ang mga modistang ‘yan?” Sabi nila.

Dalawang basurero ang umakyat sa bintana sa ikalawang palapag, ang ‘di ko magawa nu’ng bata pa ako. Sa pagbukas nila ng bintana, sinalubong sila ng pulutong ng mga bangaw. Lalong napatakip ng ilong ang mga naroon. Nakita ng mga basurero sina Julia at Jessicang nakahiga sa kama, kapwa inaagnas. Sa leeg nila, nakapulupot ang tig-iisang medida.

Sa sariling kwarto n’ya natagpuan si Jean. Nakasabit ang leeg sa medidang nakatali naman sa isang hook sa mababang kisame ng kanyang kwarto. Tulad ng mga kapatid, nagsimula na ring maagnas si Jean.

Sa burol ng magkakapatid, hindi nagpakita si Robert/Treb. Ang tiyo n’ya’y hindi rin sumilip man lang. May mga usap-usapang balak na rin daw nitong sarhan ang kanyang tindahan ng mga tela na labis namang kinakabahala ng isa sa mga tindera roon na nagmamalaking narinig ang huling pag-uusap nina Robert at Julia.

Nagbabalak naman daw na maging tiketera ang taga-flashlight sa sinehang tagpuan nina Treb at Jessica. “Mahirap na,” sabi raw nito. “Baka mamaya may iba na naman akong mailawan na magkakaroon ng masaklap na katapusan.”

Tulung-tulong ang mga tao sa pagpapalibing sa tatlong magkakapatid. Hindi pa rin malaman kung ano ang mangyayari sa kanilang bahay. Ang mga inang may anak na babae’y nagpapaalala, “Anak, h’wag masyadong mabaliw sa pag-ibig. H’wag kaagad padadala sa mga pangako ng lalaki.”

Ang mga ama namang may anak na lalaki’y may sariling paalala, “Anak, h’wag ka namang manloko ng babae. Dapat sa babae, ginagalang at minamahal.”

Siguro, tulad ng naganap kay Aling Clara, malilimutan din ng bayan namin ang naganap sa mga anak n’ya. Titigil din ang mga usap-usapan sa pagdaan ng panahon. Mapapalitan ito ng iba pang mga pangyayaring magiging laman ng mga usap-usapan. Marahil, maaalala na lamang ito, tulad ng sa kanilang ina, kung may katulad na pangyayaring maaaring kumalabit sa alaala ng mga taong ngayo’y tulad kong mistulang mga modistang tinatahi ang mga kuwento, ang mga haka-haka upang mabuo sa isipan ang isang pangyayaring hindi lubusang maunawaan. Siguro, bawat isa, modista ring maituturing, sa pagtatahi ng buhay ng iba, at sa pagtatahi na rin ng sariling buhay.

At ako? Kanina, dinaanan ko ang puntod ni Aling Clara, kahilera n’ya ang mga puntod ng mga anak n’ya. May dala akong isang bungkos ng puting rosas. Nilagyan ko ng tig-iisang rosas ang mga puntod ng mga anak n’ya. At ang lahat ng natira’y inalay ko kay Aling Clara. (WAKAS)

ni Sandi Lirio
Para sa reaksiyon/suhesityon: e-mail lamang sa sandilirio@yahoo.com o i-text sa 09298149103

Related Posts with Thumbnails
Make Pinoy Parazzi More Popular!
  • Twitter
  • Ping.fm
  • Facebook
  • Digg
  • Yahoo! Buzz
  • Google Bookmarks
  • del.icio.us
  • Technorati
  • Tumblr
  • StumbleUpon
  • Mixx
  • Ratimarks
  • Reddit

Related Posts




 Subscribe in a reader


Enter Your Email Address For The Latest Pinoy Parazzi News

 

Send us your celebrity gossip, photos and videos to mailbox(at)pinoyparazzi.com.

Next Article »

« Previous Article

 

Leave a Reply