MMDA, Pinangunahan ang ASEAN Conference sa Crisis Management

PINANGUNAHAN NG Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang araw na 11th Asean Crisis Management Conference para talakayin ang kahandaan ng mga bansa sa Asya sa pagharap sa iba’t ibang sakuna.

Dinaluhan ito ng 100 crisis managers mula sa member cities na Bangkok, Delhi, Hanoi, Jakarta, Kuala Lumpur, Metro Manila, Seoul, Singapore, Tokyo, Tomsk, Ulaanbaatar at Yangon.

May tema ang naturang conference na “Recovering from a devastating disaster and moving forward, A major Asean Cities Rehabilitation and Recovery Efforts.”

Kasabay rin ng nasabing kumperensya ang pag-obserba ng Pilipinas sa national disaster consciousness month ngayong Hulyo.

Sinabi ng United Nations (UN) Office for Disaster Risk Reduction, ang bansa ang pumapangalawa sa may pinakamaraming naitalang kalamidad sa unang 10 buwan ng 2012, kasunod ang China.

Kabilang dito ang Habagat na tumama sa Metro Manila at malakas na lindol sa Visayas kung saan marami ang nasawi.

Hindi naman isinama sa UN report ang pagtama ng Bagyong Pablo sa Mindanao kung saan libo-libo ang nasawi at daan-daan ang nawawala.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, maraming aral ang matututunan ng mga kasapi ng mga dumadalong bansang dahil bawat kinatawan ay magpiprisinta ng kani-kanilang pamamaraan sa pagharap sa kalamidad.

Hindi naman nakadalo sa pagpupulong ang kinatawan ng Taipei na unang nag-abiso dahil pa rin sa sigalot kaugnay ng pagkakapaslang ng Philippine Coast Guard sa isang Taiwanese fisherman.

Kahapon, nagsagawa ng drills at presentation sa Marikina City ang MMDA kung saan nakasama rin ng mga dumadalong crisis managers ang advisers ng United States Homeland Security.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.