MMDA, Nagkabit ng 100 CCTV Cameras sa Iba’t Ibang Sulok ng Kamaynilaan

PANIBAGONG 100 closed-circuit television (CCTV) cameras ang inilagay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Pinangunahan nina MMDA Chairman Francis Tolentino at Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Alan Purisima ang paglalagay ng mga karagdagang CCTV.

Layon anila nito na mas mapadali ang monitoring ng sitwasyon sa Kamayanilaan, makaresponde nang mabilis sa mga aksidente, disaster at krimen; at mahuli ang mga lumalabag sa batas-trapiko.

Ang mga ikinabit na CCTV cameras ay high-definition na kayang mag-zoom ng 36 beses sa mga tao at bagay sa daan.

Kaya rin nitong kunan kahit madidilim na tunnel at underpass.

Mayroon din itong speaker para sa mga anunsyo at may counter para mabilang ang dumaraang sasakyan.

Kaya ring malaman ang bilis ng takbo ng sasakyan at kumuha ng impormasyon sa pamamagitan ng makukunang plaka.

Wala ring lusot ang mga kaskasero dahil may speed detection na taglay ang mga camera na pangunahing inilagay sa Commonwealth Avenue.

Sinabi ni Purisima na malaking tulong ang high-tech na CCTV cameras para mapabilis ang pagresponde ng mga pulis sa insidente.

Samantala, sinisiguro naman ng MMDA na mapakikinabangan ang mga ito lalo na sa darating na Holy Week.

Kabilang naman sa mga lugar na kinabitan ng CCTV cameras ang pinaka-matrapik at accident prone na lugar tulad ng España sa Maynila, Aurora Boulevard at Commonwealth sa Quezon City.

Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P63 milyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.