Miyembro ng ‘Underworld’, Todas; 3 Pa Arestado, Matapos ang Shootout

ISANG MIYEMBRO ng sinasabing “underworld” character na nagsasagawa ng mga serye ng holdap at carnapping ang napatay habang tatlo pang kasamahan nito ang naaresto matapos na makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Ang napatay na suspek ay nakilala sa alyas ‘Owel’ habang arestado naman ang tatlong kasamahan na sina Sandro Santiago, Jake Linasan at Jimmy Balantan, pawang residente ng Kiko, Camarin ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas-4 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa Block 7, Lot 5, Kiko, Camarin ng nasabing lungsod.

Nabatid, isang impormante ang tumawag sa himpilan ng Sub-Station (SS-5) at inimpormahan ang mga nakatalagang pulis na may mga armadong  grupo na nagsasagawa ng pagpupulong.

Kaagad namang pinuntahan ng mga elemento ng SS-5 sa pangnguna ni PO2 Ernesto Alberto ang nasabing lugar para alamin kung totoo ang impormasyon at habang papalapit ang mga pulis ay agad na sinalubong ang mga ito ng mga putok ng baril.

Kaagad namang gumanti ng putok ang mga mga nagrespondeng pulis na naging resulta sa pagkamatay ng isa sa mga suspek at pagkakaaresto sa tatlo pang kasamahan.

Nakuha ng mga pulis sa mga suspek ang dalawang piraso ng .45 caliver pistol, dalawang unit ng motorsiklo at hindi nabatid na halaga ng pera.

Ang mga naarestong suspek ay pawang nakakulong ngayon sa detention cell ng Caloocan PNP at sumasailalim sa masusing imbestigation.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.