Miyembro ng ‘Sako Gang’, Patay sa Onsehan

PATAY ANG isang miyembro ng ‘Sako Gang’ makaraang pagbabarilin ng kanyang mga kasamahan na sinasabing “onsehan” ang motibo ng krimen, habang ang biktima ay sakay ng kanyang kotse sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Gerry Gayanes, 27, sanhi ng walong tama ng bala ng M16 Armalite rifle sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, mabilis namang nagsitakas ang mga ‘di nakikilalang suspek lulan ng itim na kotse at hindi nabatid ang plate number ng kanilang sasakyan.

Base sa paunang ulat ng pulisya, bandang alas-12:40 ng umaga nang mangyari ang krimen sa Sabalo cor. Hipon Valley Sts., Barangay 14, Caloocan City.

Napag-alamang bago umano maganap ang nasabing insidente, ang biktima ay kasalukuyang sakay ng kanyang kotse (Hyundai- PWQ-690) nang biglang pagbabarilin ng mga suspek ang biktima.

Nabatid pa na nagawa pang gumanti ng putok ang biktima dahil nakita ang magazine ng cal. 45 sa kanyang bewang at may basyo pa ito sa loob ng sasakyan.

Wala ang baril ng biktima na pinaniniwalaang kinuha ng mga suspek nang matiyak na patay na ang kanilang pakay.

May hinala ang pulisya na hindi naibigay ni Gayanes ang pera ng grupo sa nakaraan nilang operasyon kung kaya’t pinatay ito.

Ang grupong ‘Sako Gang” ay isang organized crime syndicate na kumikilos sa Metro Manila na ang linya ay pagnakawan ang mga pawn shop.        (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.