Miyembro ng Kidnap-for-Ransom Group, Tiklo

NADAKIP NG mga kina-uukulan ang isang miyembro ng kidnap-for-ransom group (KFRG) sa joint operation ng PNP at militar bandang alas-2:00 ng madaling-araw kahapon sa may boundary ng Barangay Guilingan at Barangay Fatima sa bayan ng Payao lalawigan ng Zamboanga Sibugay.

Kinilala ni Zamboanga Sibugay police provincial director S/Supt. Jonathan Perez ang suspek na si Elmas Guilingan na kilala rin sa mga pangalang Omar Guilingan at Omar Pangilayan.

Sinabi ni Perez na inaresto ang salarin sa bisa ng Warrant of Arrest sa mga kasong Multiple Murder at Frustrated Murder habang hinihintay rin ng pulisya na mailabas ng korte ang mga warrant of arrest nito sa mga kasong kidnapping with serious illegal detention, robbery, carnapping at iba pa.

Kabilang sa mga insidente ng kidnapping na isinasangkot sa nahuling suspek ay ang pagdukot sa dalawang biktima na sina Joel Endino at si Reynaldo Drapeza noong taong 2011 sa bayan ng Kabasalan sa nasabing lalawigan at pinalaya matapos makapagbayad umano ng ransom demand ang pamilya ng mga biktima.

Kasama rin ng nahuling suspek ang mga armadong kalalakihan na nang-ambush noong ika-4 ng Mayo taong 2012 sa dating hepe ng Ipil Municipal police station na si C/Insp. Ariel Huesca.

Samantala, nakasakay noon si Huesca sa kanyang sasakyan kasama ang dalawa niyang tauhan nang tambangan ng mga armadong salarin at masuwerteng hindi natamaan.

Kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Zamboanga Sibugay police provincial office ang suspek.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.