Miyembro ng Alferez Group, Sakote

SWAK SA kulungan ang isang miyembro ng kilabot na “Boy Alferez Organized Crime Group” makaraang masakote ng mga elemento ng Caloocan City Police sa kanyang hide-out sa isinagawang manhunt operation sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan City Chief of Police Senior Supt. Rimas Calixto ang naarestong suspek na si Camelo Soler, alyas “Dudot”, a.k.a. Ramie Soler, 41, binata, tubong Oroquieta, Misamis Occidental at residente ng Barangay Veraville Subdivion, Bacoor, Cavite.

Ayon kay Calixto, dakong alas-4:35 ng hapon noong nakalipas na Pebrero 1, 2013 habang nagsasagawa ng surveillance ang kanyang mga tauhan sa pinaniniwalaang safehouse ni Soler sa # 4519 San Vicente Ferer, Brgy.178, Camarin, Caloocan City ay naaktuhan ito ng mga pulis na may dala pang baril kaya kaagad itong inaresto.

Narekober ng mga pulis sa safehouse ni Soler ang isang .38 caliver revolver, anim (6) na round ng live ammunition, isang hand grenade at short magazine assembly para sa M-16 firearm na loaded ng anim (6) na bala.

Magugunitang noong nakalipas na Enero 30, 2013 ay nabulabog ang mga residente sa Block 7, Lot 2, Catleya, Natividad Subdivion sa Brgy. 168, Deparo, Caloocan City sa malakas na pagsabog at sunud-sunod na putok ng baril.

Sa masusing imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang isang granada ang inihagis ng isang hindi nakikilalang lalaki sa parking area sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkamatay ng isang Eduardo Dela Cruz Nobleza, alyas “Eddie”.

Ang namatay na si Eduardo Dela Cruz Nobleza ay patay na nang matagpuan ng mga pulis sa loob ng kanyang hide-out na siya namang ginagamit bilang safehouse ni Diosdado Nobleza Alferez, alyas “Boy Alferez”, a.k.a. Antonio Salvador, na sinasabing lider ng notoryus na “Alferez Group” na nagsasagawa ng high-proflie criminal activities at remnant ng “Ozamis Group”.

Nang magsagawa ang pulisya ng imbestigasyon sa safehouse ni Diosdado ay nakarebor ng isang 12 gauge shotgun, daang piraso ng bala ng high-powered firearms, mga hand grenade, hand-held radios, assorted license plate, grenade lever, fired cartridges para sa high powered firearms, mga AFP uniforms, metal spikes at samurai.

Matapos ang naganap na pagsabog, dalawa sa mga tauhan ni Alferez na sina Jimmy Parame, alyas “Jimboy” at Jerry Dela Cruz, alyas “Panoy” na pawang armado ng mga mahahabang baril ay mabilis na nagsitakas at inagaw ang isang kulay puting Toyota Hi-Ace na may plakang UVK-709 na minamaneho ng isang Milicio Reonal at pagkatapos ay inabandona sa San Pedro, laguna.

Napag-alamang ang nasabing grupo ay pawang responsible sa Union Bank-Makati City robbery hold-up noong 2003, Allied Bank-Vito Cruz, Manila Bank Robbery noong 2005, Jewelry Robbery Hold Up sa Davao City nong 2008, BPI-Commonwealth, Quezon City Bank Robbery noong 2011 at iba pang robbery hold-up na pinagkitaan ng milyong piso ng nasabing grupo. Ang nasabing grupo ay ipaghaharap ng kaukulang kaso sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.