Mister, Suspek sa Pagpaslang sa Presidente ng Shipping Line

ISA SA mga itinuturong suspek ang mister ng pinaslang na presidente ng shipping line na ikinasugat ng anak matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek sakay ng motorsiklo habang sakay ang mga una ng kanilang van sa Caloocan City kamakailan.

Ayon sa mga naulilang anak ng biktimang si Maria Theresita Go, 42, presidente ng Poseidon Shipping Line at residente ng Apple Ville Homes, Sta. Quieteria ng lungsod, hindi nila maiwasang pagdudahan ang sariling ama sa pagkamatay ng kanilang ina.

Nabatid na mayroong hindi pagkakaunawaan ang mag-asawang Go hanggang sa nauwi sa korte matapos sampahan ng kaso ng nasawi ang kanyang mister.

Magugunita, dakong alas-10 ng gabi, minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Fortuner at pagsapit sa Tullahan Rd. ay sinabayan ng mga suspek sakay ng motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.

Sunud-sunod na pinaputukan ng angkas na suspek ang biktima na naging dahilan upang tamaan habang nadaplisan ang anak na si Dustin.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang nakahingi ng tulong si Darryl at nadala ang ina at kapatid sa VGH.

Kaugnay nito, patuloy pa rin nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang tanggapan ni P/Sr. Supt. Rimas Calixto, hepe ng Caloocan Police, upang alamin ang tunay na motibo ng mga suspek sa pagpaslang sa biktima at sa tunay na pagkakakilanlan sa mga ito para papanagutin sa naturang krimen.

(MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.