Mister, pinatay sa harap ng anak

DUGUANG BUMULAGTA sa harapan ng kanyang anak ang mister matapos pagbabarilin ng tatlong ‘di pa kilalang salarin ang habang ang una ay nakatayo sa harap ng kanilang bahay kasama ng labing-isang taong gulang na anak na babae kamakalawa ng hapon ng sa Malabon City.

Hindi na umabot pang buhay nang idating sa Pagamutang Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng bala ng kalibre .45 na baril sa ulo at kanang balikat ang biktimang si Allan Loquez, 43, negosyante, ng Blk. 2 KADIMA, Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City.

Isang follow-up investigation naman ang isinasagawa ng Malabon police, para sa pagkakakilanlan at ikadarakip sa tatlong suspek na responsable sa krimen.

Sa ulat ni P03 Rommel Habig, may hawak ng kaso, ng Station Investigation Detective and Management Bureau (SIDMB) Malabon police, dakong alas-4:10 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Bago ang insidente, nakatayo ang mag-ama sa harapan ng kanilang bahay ng bigla na lamang sumulpot sa likurang bahagi ang tatlong kalalakihan na armado ng baril at magkakasunod na pinaputukan ang biktima saka nagsitakas sa di-malamang direksyon.

Agad namang dinala sa nabanggit na pagamutan si Loquez subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo sa krimen.

Nabatid, na ang asawa ni Loquez, ay may planong tumakbong Kapitana sa nalalapit na halalan sa barangay.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.