Mister, patay sa rumaragasang Jeep; 3 pa sugatan

PATAY ANG ISANG 48-anyos na mister matapos itong mahagip ng rumaragasang jeep habang sugatan ang tatlo pang kasamahan nito habang ang mga una ay tumatawid sa kalsada kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Far Eastern University Hospital sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa katawan ang biktimang si Leonnito Llano Bongcales, habang ginagamot naman sa Jose N. Rodriguez Hospital sina Criselda Bongcales, 46, may-asawa; Leonicel Bongcales, 25, binata; Elmida Capule, 22, dalaga, pawang mga residente ng No. 012 Sinagtala, Bahay Toro, Project 8, Quezon City.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Isabelo Mangubat, 65, may-asawa, driver ng No. 058 Elma St., Don Fabian, Brgy. Commonwealth, Quezon City at nakahandang sampahan ng kaukulang kaso.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente sa tapat ng Cifel Subd. at Taruc Dental Clinic, Brgy. 184, Caloocan City.

Papatawid ang mga biktima sa naturang lugar nang paparating naman ang rumaragasang Toyota Jeep NLN-875 na pagmamay-ari at minamaneho ng suspek. Sa bilis ng takbo ni Mangubat ay nawalan ito ng preno hanggang sa mahagip ang mga biktima at bumangga ito sa isang nakaparadang Toyota jeep CTK-565.

Ang matandang Bongcales ang unang bumangga sa unahan ng sasakyan ng suspek at sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ito at tumama sa poste ng ilaw habang ang tatlo pang biktima ay tumilapon naman sa kalsada.

Ilang concerned citizen naman ang nagdala sa mga biktima sa Jose N. Rodriguez Hospital para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat, subalit sa tindi ng pinsala ng matadang Bongcales ay agad itong inilipat sa FEU ngunit nalagutan rin ito ng hininga.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.