Mister na nanalo sa sugal, Pinatay

PATAY ANG ISANG mister matapos itong tambangan at pagsasaksakin ng apat na ‘di pa nakikilalang kalalakihan at tangayin ang perang napanalunan nito sa sugal kahapon ng umaga sa Malabon City.

Hindi na umabot pang buhay nang idating sa Alfonso Clinic, Santulan, Malabon sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan ang biktimang si John de Jesus alyas Yoyong, 49, may-asawa, negosyante, ng No. 29-A Hustisya St., Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip ng apat na suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng umaga nang maganap ang insidente sa Dulong Bautista, Relocation Site, Brgy. Panghulo, ng nasabing lungsod.

Ayon sa saksing si Julio Padua, 40, binata, ng No. 393 Custodio St., Brgy. Santulan, Malabon, kasabay nitong naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang biglang dumating ang apat na salarin na armado ng patalim.

Dito, agad na hinarang ang kanilang daanan at pinagtulungang saksakin ang biktima habang ang dalawa sa suspek ay pilit na kinuha ang halagang P8,000 na pera na pinanalo ng biktima saka tumakas.

Sa takot ni Padua na pati siya ay patayin, mabilis itong tumakbo at humingi ng tulong sa mga barangay tanod at nang balikan si De Jesus ay naliligo na ito sa sariling dugo habang nakatakas ang mga suspek dala ang ginamit na patalim.

Agad namang dinala sa nasabing pagamutan ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.