Mister na nabitin, binugbog ang misis

BUGBOG-SARADO ANG inabot ng isang babae makaraan umbagin ng kanyang asawa matapos umanong tumanggi ang una na makipagtalik sa suspek sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Lumuluha at nananakit ang katawan nang masadya sa tanggapan ng Caloocan City Police Women’s and Children’s Concern Desk (WCCD) ang biktima na si Gemma Echavez, 31, may-asawa at kasaluku-yang naninirahan # 48 Ponce St., Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Arestado naman ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Noel Echavez, 32, walang hanapbuhay at naninirahan sa nasabing lugar.

Base sa salaysay ng biktima sa nasabing tanggapan ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang bugbugin siya ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na lugar.

Sinabi pa ng biktima, apat araw na umanong hindi umuuwi sa kanilang bahay ang kanyang asawa at nabigla siya na biglang dumating ang kanyang mister at gusto umanong tumabi na mariing tinanggihan ng biktima.

Dahil dito, nagalit ang suspek sa kanyang asawa hanggang sa pagsabihan si Gemma nang “Put… ina ka, lumayas ka rito!” Hanggang sa sinimulan nang umbagin ng suspek ang biktima.

Nang hindi umalis si Gemma ay kumuha ng patalim ang suspek at sasaksakin ang kanyang asawa na sa kabutihang palad ay dumating ang bayaw ng una na si Leonardo at inawat ang kanyang kapatid.

Dahil sa kaguluhan, nagdatingan ang ilang barangay tanod sa nasabing lugar at inaresto ang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.