Mister, kulong sa pananapak sa buntis na misis

KULONG ANG isang lalaki makaraang ipagharap ng reklamo ng kanyang live-in partner na 7-buwang buntis matapos itong sapakin sa loob ng kanilang tahanan sa Maligaya Compound, Brgy. Patubig, Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na ipinadala ni P/Supt. Gerry Andaya kay PNP Provincial Director P/S Supt. Fernando Mendez, Jr., kinilala ang suspek na si Endrico Rembawa Y Francisco, 21 anyos, factory worker at residente sa nabanggit na lugar, samantalang ang biktima naman ay nakilalang si Fedalyn Murilo Y Asico, 29 anyos, pitong-buwang buntis.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng awtoridad, dakong alas-8 ng gabi nang dumating ng bahay ang suspek na umano’y lasing sa alak, kung saan walang sabi-sabing inupakan ng sapak ang kanyang live-in partner, dahilan upang tumakbo ito papalayo at nagtungo sa bahay ng kanyang kapatid.

Nabatid na hindi na nito matagalan ang ginagawang pananakit ng suspek sa tuwing ito’y malalasing, kung saan pinagbantaan pa ang biktima na kahit saan pa ito magpunta ay susundan siya nito.

Dahil sa takot na muling manakit ang suspek, agad itong nagtungo sa himpilan ng pulisya at pormal na naghain ng reklamo kay PO1 Maricar Anastacio, women’s desk officer.

Kasong paglabag sa Sec. 5, RA 9262 ang kakaharapin ng suspek na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Marilao Municipal Jail.

(TONY DELA PEÑA)    

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.