Mister, Kalaboso sa Panghihiya sa Misis

SELDA ANG binagsakan ng isang ama habang sabog sa ipinagbabawal na droga matapos niyang ipahiya sa kanilang mga kapit-bahay at buong pamilya ang kanyang misis at sabihang ‘inutil’ at ‘walang silbi sa kama’ sa kalagitnaan ng selebrasyon ng kaarawan ng huli sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang suspek ay naki-lalang si Seldon Cruz, 30, may-asawa, tricycle driver at residente ng Barangay 31, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod. Samantala, ang nagreklamong biktima ay si itinago sa pangalang Cory ng naturang lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Caloocan City Police Sub-Station 2, bandang alas-6:00 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa sa nasabing lugar.

Masayang ipinagdiriwang ng biktima ang kanyang kaarawan nang dumating ang kanyang mister galing sa pamamasada ng tricycle.

Nakita ng suspek na maraming tao sa kani-lang bahay na kanyang ipinagtaka. Tinanong niya sa kanyang misis kung ano ang kasiyahang iyon at sinabi ng huli na kaarawan umano niya. Maliwanag na nakalimutan ng kanyang sariling asawa ang araw ng kanyang kaarawan, kaya’t sa puntong iyon ay agad nang sumama ang kanyang loob ngunit hindi niya masyadong pinapahalata dahil marami siyang bisita.

Maya-maya pa ay umalis na muli ang suspek at nang makabalik ay bigla na lamang itong sumigaw nang “Ano? Hindi pa rin kayo tapos?” Na ikinagulat ng lahat. Agad siyang nilapitan ni Cory at sinabihang huminahon. Ngunit sa halip na kumalma ay naghuramentado ito at itinapon ang mga pagkain saka pinagsisigawan ang asawa ng mga nakakahiyang salita.

“Ang sabi niya po, ‘Baog ka, wala kang silbi sa kama! Ganyan ka rin ba sa tatay ng anak mo? Inutil ka, palamunin ko kayong lahat! Mga walang silbi!’ Sinabi niya iyon sa harap ng lahat ng tao na dumalo sa birthday ko, napahiya po ako, sobra!.” Sabi pa ni Cory.

Matapos ang pagwawala ng suspek ay lumabas na muli ito at nagbanta na kapag bumalik siya nang naroroon pa ang mga bisita ay masasaktan lahat ng tao na maabutan niya. Kaya’t nagsiuwian na rin ang lahat ng bisita bukod sa mga kapatid ni Cory na pinatatahan ito at naghikayat na rin sa kanya na humingi ng saklolo sa awtoridad.

“Alam ko na sabog talaga siya, matagal ko na po kasing alam na gumagamit siya. Kaso ngayon lang niya ako pinagsalitaan nang ganyan sa harap ng pamilya namin at mga kapitbahay. Para pong tinapakan niya na ang pagkababae ko, pinapabayaan ko lang dati na walang modo siyang magsalita pero walang ibang tao noon,” dagdag pa ni Cory.

Sinunod ng biktima ang panghihikayat ng kanyang mga kapatid at dumulog sa himpilan ng pulisya dahilan upang agad na arestuhin ang suspek na sinampahan ng kasong Emotional Abused in Relation to RA 9262 o Violence Againts Women and Their Children.

Samantala ay kasalukuyang nakapiit sa Caloocan City detention cell ang suspek ngunit hindi nagpaunlak ng panayam.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.