Misis at Lover, Sinunog ni Mister

PAREHONG NAGTAMO ng first degree burn ang isang mag-live-in matapos na sunugin ng dating mister ng babae ang kanilang bahay sa Barangay Botongon, Estancia, Iloilo kamakailan.

Nagtamo ng mga paso sa katawan ang mga biktima na sina Salvacion Billones, 45; at live-in partner nitong si Benito Demayo.

Sinabi ni PO1 Jobert Sumabo ng Estancia PNP na madaling-araw nang maganap ang insidente kung saan kasalukuyang natutulog sa kanilang bahay ang dalawa.

Nasilip umano ng salarin na si Jimmy Vencer, 60, sa bintana ng bahay ang mag-live in habang natutulog at dahil sa bugso ng damdamin dala ng matinding selos, sinabuyan nito ng gasolina ang bahay at sinilaban.

Masuwerte namang nakalabas pa ng bahay ang mga biktima bago sila tuluyang masunog.

Nabatid ng mga awtoridad na unang nabiyuda ang babae na nagtatrabaho bilang manikurista at naging asawa ang salarin ngunit naghiwalay ang mga ito dahil impotent umano si Vencer.

Samantala, kaagad na dinakip ng mga kinauukulan ang suspek subalit pinalaya rin dahil wala namang balak magsampa ng kaso ang mga biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.