Miriam, tatakbong presidente ‘pag walang napanagot sa pork scam

SINABI NI Sen. Miriam Defensor-Santiago na pinag-iisipan nitong tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa sa 2016 elections.

Ito ang binanggit ng senadora sa inilabas na survey ng Pulse Asia kung saan nasa ikatlong puwesto sa mga pinagpipiliang maging presidente ng Pilipinas.

Ayon kay Santiago, sakaling hindi mapapanagot ang mga dawit sa kontrobersiyal na pork barrel fund scam, kakandidato muli ito sa pagka-presidente.

Sa kabilang dako, ipinagkibit-balikat naman ng Palasyo ang pangungulelat ni DILG Sec. Mar Roxas sa latest survey ng Pulse Asia kaugnay ng presidential elections sa 2016.

Inihayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi pa naman nakapili si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ng kanyang mamanukin sa 2016 elections.

Hindi raw prayoridad ng administrasyon ang pamumulitika dahil marami pa silang trabaho at problemang dapat resolbahin sa loob ng natitirang 762 araw ni Punong Ehekutibo sa Palasyo.

Kung ngayon daw gagawin ang presidential elections, panalo si Vice President Jojo Binay na may 40 porsyento; pumangalawa naman si Sen. Grace Poe-Llamanzares na may 15 porsyento, ikatlo si Sen. Miriam Defensor-Santiago, 10 porsyento; ika-apat si Sen. Chiz Escudero na may 9 porsyento; ika-lima si Sec. Roxas na may 6 porsyento; ika-anim si Sen. Antonio Trillanes, 6 porsyento at ika-pito si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, 6 porsyento.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.