Miriam: Mga Dawit Sa Pork Scam, Masahol Pa Kay Corona

HINDI NAIWASAN ni Sen. Miriam Defensor Santiago na ihambing ang mga dawit sa pork barrel fund scam at ang napatalsik na si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Ito’y kasunod ng pagsampa na ng kaso sa mga sangkot kung saan kabilang sina dating senate president Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla na kinasuhan ng plunder dahil sa milyun-milyong pisong nakulimbat mula sa pork scam.

Sinabi ng senadora na itinuturing nitong mas masahol pa sa nasibak na chief justice ang ginawa ng mga involved sa pork scam lalo na ang kaalitan nitong si Enrile.

Aniya, ang naging kasalanan lang noon ni Corona kaya siya napatalsik sa puwesto ay ang hindi paglagay ng lahat ng kanyang yaman sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN) ngunit ang mga dawit ngayon sa pork scam ay mas garapal ang ginawa dahil ninakaw nila ang pera ng bayan.

Kaugnay naman sa pagkakaospital ni Enrile dahil sa alta-presyon, sinabi ni Santiago na matanda na kasi ito kung saan sinabi pa nito na panahon pa lang aniya ng ‘last supper’ ay ‘waiter’ na si Enrile bilang paglalarawan kung gaano na ito katanda.

Kung pumayag lang aniya noon si Enrile na itama ang maling pamamaraan nito sa paggasta ng kanyang discretionary fund na dapat ay ginagastos sa public purpose sa halip na ipamahagi sa mga kaalyadong mambabatas, sana ay may simpatiya pa na natatanggap ang dating pa-ngulo ng Senado.

Hindi naman sang-ayon ang mambabatas sa pahayag na kailangan pang masampahan ng reklamo sa ethics committee ang mga kinasuhang senador para ma-suspend.

Samantala, inihayag ng senadora na ang pagsampa ng reklamo sa komite ay nakabase lang sa internal rules ng Senado at mas mataas dito ang ginawang batas ng Kongreso sa kasong plunder kung saan sinasabi na kaagad masususpinde ang isang opisyal ng pamahalaan na sinampahan ng plunder.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

One thought on “Miriam: Mga Dawit Sa Pork Scam, Masahol Pa Kay Corona

  1. Miriam, Huwag mo sanang bibitawan ang kasong ito. The people need your verbal feedback para matauhan ang marami. Ang galing mo.

Leave a Reply

Your email address will not be published.