Miriam, kakanta rin ‘pag idinawit sa pork

NAGBABALA RIN si Sen. Miriam Defensor Santiago sa posibleng pagkadawit din sa kanyang pangalan sa PDAF scam. Ito’y kasunod na rin ng naging pagbubunyag ni dating Sen. Ping Lacson na may hawak siyang listahan ng mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa scam kung saan sa mga senador aniya, nasa 12 ang dawit.

Nagbabala ang senadora na ibubunyag niya ang lahat ng kanyang nalalaman sa anomalya ng mga opisyal sa pamahalaan pati na ang kanilang personal na buhay kapag idinawit siya sa iskandalo ng korapsyon sa pork barrel fund. Aniya, hindi siya aatras sa mga nagnanais na siraan ang kanyang pangalan.

Kampante rin ang mambabatas na sakaling isangkot siya sa kontrobersiya, hindi rin maniniwala ang taongbayan dahil mismo sila ang nakakaalam ng kanyang track record.

Bagama’t nakahanda rin siyang idepensa ang sarili subalit ipapaubaya niya sa publiko ang hatol kung maniniwala sila na sangkot siya sa pagnanakaw ng pera ng bayan.

Kasabay nito ay kinuwestyon ni Santiago ang umano’y pakikisawsaw ni Lacson sa naturang iskandalo.

Naniniwala rin ang senadora na ang pag-iingay ni Lacson ay pakana umano ng mga napangalanan nang dawit sa P10 bilyong pork scam para mandamay ng iba.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.