Miriam, Gagawing Testigo ng VACC sa Ethics Complaint VS Enrile

MAY BALAK kunin ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Senador Miriam Defensor-Santiago bilang testigo sa ihahain nilang ethics complaint laban kay Senate President Juan Ponce Enrile.

Ito ang inihayag ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez.

Ito’y sa harap pa rin ng pagbibigay ni Enrile ng P30 milyong cash gift sa mga senador noong nakaraang Pasko.

Posibleng ngayong linggo nila ihahain sa Ethics Committee ang reklamo laban sa pa-ngulo ng Senado dahil sa “unethical” at “immoral” niyang ginawa, ayon kay Jimenez.

Tinuligsa rin ni Jimenez ang Commission on Audit (COA) at Supreme Court sa tila pagtatakip at pagkukunsinti sa mga maanomalyang ginagawa ng ilang opisyal.

Hindi siya titigil upang mabigyang-linaw ang isyu, giit pa ni Jimenez.

Bagama’t may posibilidad aniya na matalo ang kanilang reklamo, mas mahalaga umano ang maiparating sa publiko ang tiwaling gawain ng ilang nasa kapangyarihan lalo’t papalapit na ang halalan.

Una nang kinumpirma ni Enrile na nagbigay siya ng P250,000 na Pamasko sa mga senador mula sa savings ng kanyang opisina ngunit ang milyon-milyong natanggap ng mga senador ay karagdagan aniyang maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga ito.

Samantala, handa namang harapin ng pangulo ng Senado ang anumang reklamong ihahain ng VACC laban sa kanya.

“Very good, very good. I will welcome that, very good. They are welcome. They should also file against me kung saan nila gusto, sa husgado, I will meet them there,” ani Enrile.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.