Minaltrato ng Amo; OFW, Tumakas

NASA PANGANGALAGA na ng Philippine embassy sa Malaysia ang isang overseas Filipino worker (OFW) na minamaltrato ng kaniyang amo.

Ito ang sinabi ni Lorenzo Badi, asawa ng OFW na si Marites Asuncion Badi ng Rizal, Kalinga.

Ayon kay Badi, hindi na umano natiis ng kaniyang misis ang pagmamaltrato sa kanya ng mag-asawang amo kung kaya’t tumakas ito at nagpasaklolo sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia.

Sinabi pa ni Badi na pinoproseso na ng embahada ang mga kaukulang dokumento para makauwi na sa bansa ang kaniyang maybahay.

Ayon pa kay Badi, nakahanda silang maghain ng kaso sa tulong ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) laban sa recruitment agency ng kanyang asawa dahil sa pagpapabaya sa kanya.

Samantala, bukod sa pananakit kay Badi, napag-alaman na hindi umano siya sinahuran ng mga naging amo mula noong manilbihan siya bilang kasambahay nang magtungo siya sa Malaysia noong Setyembre 2012.

Unang tumawag si Badi sa kanyang asawa nitong Pebrero 23 para ipabatid ang masaklap nitong sinapit sa kamay ng mga amo.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.