Militar na may Dalang Relief Goods; Inambus ng NPA

PATULOY ANG ginagawang hot pursuit operation ng militar kaugnay sa naganap na magkasunod na engkwentro sa Sorsogon kontra sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Kasunod ito ng impormasyon mula sa ilang mga residente sa nasabing lalawigan na magsasagawa umano ng pananabotahe ang mga rebeldeng NPA sa humanitarian mission na patungong Tacloban City.

Ang nabanggit na grupo ay may dala-dalang sako-sakong relief goods na dadalhin ng mga personahe mula sa Red Cross at mga sundalo mula sa 9th Infantry Division, Philippine Army.

Pero bago pa man makarating sa Matnog Port, nagsagawa na muna ng clearing operation ang tropa ng 31st Infantry Batallion para masiguro na magiging ligtas ang humanitarian team na pupunta sa lugar.

Subalit bago pa makaalis, bandang alas-5:15 madaling-araw kamakalawa, sinalubong na nang mahigit kumulang sa 15 mga rebelde ang grupo sa bahagi ng Barangay Balocawe, Matnog, Sorsogon.

Nagtuluy-tuloy ang putukan hanggang panibagong pang-aatake ang naireport sa katabing barangay na tumagal nang hanggang alas-8:30 ng umaga.

Wala naman na naitalang nasugatan o nasawi sa panig ng militar subalit dalawa ang sinasabing namatay sa panig ng mga rebelde.

Samantala, nakuha rin sa pinangyarihan ng engkwntro ang limang short firearms at mga pampasabog.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.