MILF: Nagamit Lang Kami sa Pulitika

SA GITNA ng nararamdamang pagkadismaya sa mabagal na peace process, hindi naiwasan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magpahayag ng pagdududa sa tunay na intensyon ng pamahalaan sa kanila.

Ayon kay MILF Vice Chairman for Political Affairs Gadzali Jafaar, hindi nila maiwasan na isipin na nagamit lamang sila ng pamahalaan para sa pulitika.

Sinabi ni Jafaar na ito ang nararamdaman ngayon ng karamihan sa kanilang mga kasamahan dahil hindi pa rin nalalagdaan ang pinal na kasunduan.

Napag-alaman na isa sa hindi pa napagkakasunduan ng gobyerno at ng MILF ay ang wealth sharing at hatian sa kapangyarihan.

Tumanggi naman si Jafaar na ibahagi kung ano ang posisyon na isinusulong ng gobyerno sa kanila kaugnay sa nasabing usapin.

Samantala, hindi naman direktang sinagot ni Jafaar ang katanungan sa posibilidad na muli silang babalik sa giyera kapag tatagal pa ang pagkaantala ng final peace agreement.

Ngunit sinabi nito na mamimili sila sa kanilang nararapat gawin sa takdang panahon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.