Mga Stall Owner, Muling Umaapela sa Kanilang Alkalde

MULING UMAAPELA ang may 300 stall owner sa Alabang, Muntinlupa Public Market sa kanilang alkalde na si Adrin San Juan hinggil umano sa sapilitang “pa-ngongotong” sa kanila ng chief security officer ng nasabing establisimyento.

Base sa sumbong ng mga stall owner sa Pinoy Parazzi, araw-araw ay sapilitan silang hinihingan ni Ronie Arevalo, chief security officer ng nasabing public market ng halagang P20 bilang tong.

Anila, kapag hindi sila magbibigay ng nasabing halaga ay tinatakot silang palalayasin sa inuupahang nilang stall gayung hindi naman sila pumapalya sa kanilang renta kada buwan.

Kapag umano nagre-reklamo ang mga stall owner sa mga kinauukulan ay hindi pinapansin ang kanilang hinaing dahil umano sa lakas ng impluwensiya ng security officer.

Nauna rito, umapela na ang mga stall owner sa kanilang alkalde hinggil umano sa mga nagaganap na nakawan sa kanilang inuupahang stall na sinasabing kagagawan umano ni Arevalo, subalit nauwi lang sa kawalan ang kanilang hinaing.

Wika pa ng mga stall owner, ngayon naman, pangingikil umano ang ginagawa sa kanila ni Arevalo na kung tutuusin daw ay mas mapera umano si Arevalo kaysa sa punong lungsod sa dahilang kung susumahin ang halagang P20.00 na hinihinging tong ng nabanggit na chief security officer sa may 300 stall owner ay aabot sa halagang P18,000 kada araw.

Bukod pa rito, ang nakukuhang tong ni Arevalo mula sa mga nagbebenta ng mga pirated na CD at VCD sa harapan ng public market na umaabot naman umano sa halagang P10,000 kada araw.

Nabatid pa, si Arevalo ay kaagad na nakapagpatayo ng dalawang kongkretong bahay sa Sta. Rosa, Laguna na nagkakahalaga ng P40 milyon bawat isa gayong isa lamang itong security guard.

Muli na namang umaapela ang mga stall owner sa kanilang punong lungsod na kung puwede ay sibakin na si Arevalo bilang security officer o kaya ay ilipat na lamang sa ibang lugar.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.