Mga Senador, Hati sa Senate Probe Kontra Pork Barrel Scam

HINDI MAGKASUNDO ang mga mambabatas kung magsasagwa sila ng sariling pagsisiyasat kaugnay ng pagkakasangkot ng mga kasamahan sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.

Matapos na maghain si Sen. Chiz Escudero ng resolusyon na siyasatin ang nasabig kontrobersiya, agad itong sinopla ng napipisil na Senate president ng 16th Congress na si Sen. Franklin Drilon.

Sinabi ni Drilon na mas mainam na ipauubaya na lamang sa Department of Justice (DOJ), ang pag-imbestiga lalo’t kasamahan nila ang mga nasasangkot sa P10-billion pork barrel scandal na kinabibilangan nina dating Senate President Juan Ponce Enrile, acting Senate President Jinggoy Estrada, Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Sen. Gringo Honasan at Sen. Bongbong Marcos.

Pero sinabi ni Escudero na kailangang magsagawa ng sariling pagsisiyasat ang Senate blue ribbon committee upang maungkat ang katotohanan dahil nadadamay na ang lahat ng mga senador at kongresista nang lumutang ang isyu sa pork barrel at magpasa ng mga kinauukulang batas kung kinakailangan.

Inihayag naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, maaari namang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on ethics and privileges at magpataw ng kaparusahan. Ngunit base sa tradisyon, malamig aniya ang mga senador na idiin ang kanilang mga kasamahan.

Kaya’t mungkahi ni Santiago, dapat bumuo na si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ng special presidential panel of prosecutors para tumutok sa kaso, lalo’t mayroon na umanong prima facie evidence laban sa mga akusado partikular ang mga sinumpaang salaysay ng mga testigo.

Maaalala na kanya-kanyang tanggi ang mga nasasangkot na senador sa “pork barrel scam” at itinuring itong pamumulitika ng administrasyon laban sa opposition.

Tumanggi naman ang mga akusadong mambabatas na tumalima sa mungkahi ni Santiago na magbakasyon habang isinasagawa ang pagsisiyasat.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.