Mga Residente , Umalma sa Tunawan ng Goma

UMALMA ANG mga residente sa Brgy. Tabang sa bayang ito na umano’y lubhang apektado ng dry-run ng isang planta  na tunawan ng iba’t ibang uri ng goma sa Guiguinto, Bulacan dahil sa mabaho at nakasusulasok na amoy.

Sa exclusive interview ng Pinoy Parazzi kay Tata Domeng, 72 anyos, nakararanas umano siya ng masakit at paninikip ng dibdib, at nahihirapan din siyang huminga nang maayos, dahil sa mabahong amoy na ibinubuga mula sa tunawan ng Goma o gulong ng mga sasakyan.

Aniya, nito lamang nakalipas na buwan ng Enero, binuksan ang kumpanya ng Bio-Eco Solution Technology, Inc. na matatagpuan sa kahabaan ng Mc Arthur Hi-way, sakop ng Brgy. Tabang ilang metro lamang ang layo mula sa TESDA Training Center ng lalawigan.

Labis ang pagtataka ng mga residente kung papaano nakapagbukas ang nabanggit na kumpanya na pinatatakbo ng mga dayuhang Intsik, na umano’y gumamit ng dummy na mga Pinoy mula sa Valenzuela City.

Nabatid na wala pang naganap na public hearing sa naturang barangay, sublit na-bigyan na ito ng business permit ni Mayor Isagani Pascual, kung saan pumasa na rin ito sa Municipal Health Officer ng nabanggit na bayan, habang wala namang maipakitang ECC o Environment Complaint Certificates mula sa Department of Environment and Natural Resources(DENR Reg-3)

Samantala, mariin namang itinanggi ni Mayor Pascual na kasosyo siya sa nabanggit na tunawan ng Goma, kung saan ang mga reklamo na kanyang natanggap ay mula sa mga empleyado na contractor ng Yungden Company na gumagawa ng  electronics spare parts na katabi lamang ng tunawan ng Gulong.

Ayon naman sa operations manager ng Bio-Eco Solution Technology na si Johnny Ang, walang mabahong amoy na ibinubuga ang kanilang mga makina dahil may mga bagong technology silang inilagay sa anim na makinang pantunaw ng iba’t ibang uri ng rubber.

Kaya wala aniyang dapat ipangamba ang mga residente sa lugar dahil sa ginagamit na nila ang mga bagong teknolohiya, kung saan tumanggi rin itong makunan ng litrato sa takot na may gumaya sa kanilang bagong tuklas na teknolohiya.

Bunsod nito, agad na nagsumite ng reklamo sa DENR  Reg-3 ang mga residente, subalit bigo silang makakuha ng positibong tugon mula sa ahensiya, dahil tanging air pollution lamang ang maaari nilang ipataw na parusa na may kabuuang multa na P50,000.

Kasabay nito, bigo ring makakuha ng tulong sa tanggapan ng alkalde ang mga residente, dahil tumanggi si Mayor Pascual na ipasara ang kumpanya. Natatakot umano ito na balikan at kasuhan ng may-ari dahil na rin sa milyong pisong gastos ng kumpanya.

(TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.