Mga pumatay kay Davantes, kinasuhan na

PORMAL NANG sinampahan ng kaso sa Department of Justice (DoJ) ng Criminal Investigation and Detection Group-NCR ang anim na salarin sa umano’y nasa likod sa pagpaslang sa advertising executive na si Kristelle “Kaye” Davantes.

Ang naturang kaso ay inihain ng CIDG-NCR sa tanggapan ni Prosecutor  Omar Casimiro ng National Prosecution Service.

Ang mga salarin na kinasuhan sa DoJ ay kinabibilangan nina: Reggie Diel, Lloyd Benedict Enriquez,

Samuel Decimo, Kelvin “Jorek” Evangelista (at large), Jomar Pepito (at large) at Baser Minalang (at large)

Kabilang naman sa mga kasong isinampa laban sa mga suspek ay qualified carnapping at robbery with homicide o paglabag sa Republic Act 6539 as amended by Section 20 ng Republic Act 7569 at Art. 294 ng RPC.

Lumalabas sa impormasyon mula sa special investigation Task Group Kaye, ang tiyuhin ng biktima na si Vicente Davantes ang humarap kay Casimiro bilang complainant.

Ang mga salarin na sina Diel at Enriquez ay hawak na ngayon ng CIDG-Southern Metro Manila habang si Decimo naman ay nasa kustodiya ng NBI na unang nadakip noong Biyernes ng gabi. Sunod na naaresto ay si Enriquez habang sumuko naman si Diel.

Inamin naman ni Atty. Virgilo Mendez, NBI deputy director for regional operations na isa sa testigo sa Davantes’ murder ay isinailalim na sa DoJ Witness Protection Program.

Tumangging ibulgar ni Mendez ang pangalan ng kanilang testigo upang hindi malagay sa alanganin ang buhay ng pamilya nito.

Una nang isinawalat ni Decimo na nakursunadahan lamang umano nila ang dalaga.

Base sa naging salaysay ni Decimo, 19, hinarang nila ang biktima habang papasok na ito sa gate ng kanilang bahay at sapilitang kinaladkad pabalik muli ng kotse nito.

Dinala umano nila ang biktima papuntang Tagaytay at pagkatapos sa Silang.

Habang nasa biyahe umano sila ay nanlaban si Kae.

Dito na umano sila nagdesisyon na patahimikin ito dahil sa pangamba na makilala pa sila.

Binigti umano nila ang biktima at para matiyak bago ihulog ang bangkay ay si Decimo ang inatasan ng grupo na saksakin ito para masigurado.

Patunay naman aniya ang ilang nakuha niyang mga sugat sa kamay at braso mula sa nanlaban na ang biktima.

Nabanggit na rin ni Task Force Kaye head at NCRPO deputy director for operations S/Supt. Christopher Laxa na masaya sila at nadakip na ang mga suspek sa brutal na pagpaslang kay Davantes.

Samantala, napagtagpi-tagpi na rin ng mga kinauukulan kung ano ang nangyari sa biktima bago ito pinatay at natagpuan ang bangkay nito sa Silang, Cavite.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.