Mga Pulis at Raliyista, Nagsalpukan sa SONA; Mahigit 50 sugatan

MAHIGIT SA 50 katao ang sugatan makaraang magsagupa ang mga pulis at raliyista bago ang SONA ni Pangulong Aquino kamakailan.

Ang mga pulis na nasugatan ay karamihang mula sa Southern Police District na nagtamo ng mga sugat sa braso ulo, at likod makaraang tamaan ng mga bato na inihagis ng mga nagwawalang mga militante.

Sinabi ni Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano na tinatayang nasa 3,000 militante mula sa iba’t ibang grupo ang nagsama-sama sa Commonwealth Avenue na nagsimula ganap na alas-8 ng umaga.

Nagtayo ang naturang grupo ng isang entablado na nakasakay sa isang truck kung saan sila nagsimula ng kanilang programa.

Pilit ding  binuwag ng mga nagprotesta ang mga nakalagay na barbwire sa kalye dahilan upang pigilan sila ng mga kinauukulan hanggang sa magpa- ulan ng bato ang mga militante at mauwi sa karahasan.

Ayon kay Albano, siyam na militante ang kanilang nadakip at dinala para sa pagsisiyasat.

Tiniyak ng QCPD na hindi sila malulusutan ng mga militante dahil sa mga hinarang na barbwire at mga puwersa ng PNP dagdag pa ang mga fire trucks at mga container van.

Alas-4 ng hapon noong Lunes, sinimulan ng mga militante ang pagsunog sa higanteng effigy ni PNoy.

Samantala, nagkasya na lamang ang mga raliyista sa maliit na bahagi ng kalye na ibinigay sa kanila ng mga kinauukulan para sa kanilang programa.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.