Mga Pinoy sa Sabah, handang mamatay

NANINDIGAN ANG grupo ng mga Pilipino sa bayan ng Lahad Datu sa Sabah, Malaysia na hindi nila lilisanin ang nasabing lugar na kanilang inaaangkin dahil sa ito umano ay pag-aari ng kanilang mga ninuno.

Sinabi ni  Abraham Idjirani, tagapagsalita ng sultanate na mananatili ang grupo sa lugar base na rin sa pag-uusap sa telepono ng sultan at kapatid nitong si Raja Muda Abimuddin Kiram na nanguna sa grupo sa Sabah.

Ito ay sa kabila pa rin ng kasalukuyang stand-off, kung saan sinasabing nakorner ng Malaysian security forces ang mahigit sa 400 Pinoy kabilang ang 20 armado.

Bagama’t hindi direktang nagbanta ng karahasan si Kiram, sinabi naman nitong “there will be no turning back for us”.

Kinumpirma rin ni Idjirani na nakanda silang lumaban sakaling humantong man ang sitwasyon sa karahasan.

Una na ring iginiit ng Malaysian officials na armado ang karamihan sa mga Pinoy na mariing pinabulaanan ni Kiram dahil nagpahayag na bumiyahe ang mga ito nang walang armas.

Patuloy na naninindigan ang sultan na kanila ang ilang bahagi ng Borneo kabilang ang lugar ng stand-off.

Patunay aniya rito na nakatatanggap sila ng nominal yearly compensation package mula sa Malaysia sa ilalim ng kasunduan sa pagmamay-ari ng Sabah.

Ayon pa kay Kiram, napilitan siyang ipadala ang kanyang mga tauhan sa Sabah dahil napag-iwanan na ang kanilang sultanato sa ginanap na framework agreement ng pamahalaan ng Pilipinas at rebeldeng grupo na sinelyuhan noong Oktubre.

Samantala, nabanggit na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy ang kanilang negosasyon sa mga kaukulang tanggapan sa Malaysia para sa mapayapang pagpapauwi sa mga Pinoy.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.