Mga Pinoy sa Jeddah, ‘Di Pinababayaan

IGINIIT NG Philippine Consulate sa Jeddah na hindi nila pinababayaan ang mga kababayang Pilipino na nagkakampo sa harap ng tanggapan dahil sa nakaambang crackdown ng Saudi government laban sa mga illegal workers.

Itinanggi ni Consul General Uriel Norman Garibay ang akusasyon ng ilang militante na nagprotesta sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon na wala silang ginagawang aksyon para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Kabilang sa pinaprayoridad ng konsulada ang pansamantalang matitirhan ng 703 Pinoy na nagkakampo sa labas ng tanggapan.

Gayunman, mismong ang mga OFW anya ang tumatanggi sa kanilang tulong.

Ayon kay Garibay, karamihan sa mga Pinoy na nagkakampo ay nagtayo ng tent sa pribadong lote sa harap ng konsulada. Mabuti naman anya at hindi pa ito sinisita ng may-ari.

Nagpalagay na rin anya sila ng portalets sa nasabing lugar.

Samantala, tiniyak ni Garibay na nasa maayos na kalagayan ang mga kababayan.

Sa ngayon, hinihintay pa rin ng konsulada ang tugon ng Saudi government kaugnay ng inihirit na pag-aalis ng singil sa exit visa ng mga papauwing OFWs.

Kung sasagutin naman anya ng pamahalaan ang gastusin ng bawat illegal o undocumented OFW, aabot ang average penalties sa P80,000 at plane ticket sa $800, bukod pa sa halaga ng pananagutan ng ilan sa kanilang mga dating amo.

Sinabi rin ni Garibay na karamihan sa mga nagkakampong OFW ay tapos na ang kontrata ngunit ayaw pang umuwi ng bansa. Marami rin anya ang tumakas sa kanilang mga amo.

Nilinaw rin ni Garibay na ang isang napabalitang namatay sa Jeddah ay hindi kabilang sa mga nagkakampong OFW.

Humingi lang aniya ito ng tulong para makapagpahinga at binigyan naman nila ng kwarto sa konsulado. Noong isang linggo namatay ang OFW.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

 

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.