Mga Pinoy na Walang Trabaho, Lalong Dumami

SA KABILA ng ipinagmamalaki ng Administrasyong Aquino na paglago ng ekonomiya, mas tumaas pa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa.

Base sa ipinalabas na Labor Force Survey ng National Statistics Office (NSO), naitala nitong buwan ng Hulyo ang pagtaas ng unemployment rate sa 7.3 porsyento.

Mas mataas umano ito sa 7 porsyento na bilang ng mga walang trabaho sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Matatandaan na noong buwan ng Hunyo, isinisi ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Joel Villanueva sa “job mismatch” kaya umano lumolobo ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.

Ayon kay Villanueva, patuloy na dumarami ang bilang ng mga walang trabaho dahil sa hindi tugma ang mga kurso ng mga nagsipagtapos sa mga kolehiyo sa mga trabahong kailangan naman ng mga industriya.

Sinabi ni Villanueva na mapili rin ang mga bagong graduate sa mga trabahong nais nilang pasukan.

Dagdag nito, upang maresolba ang problema ng job mismatch ay aktibo nang nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa mga nasa industriya upang malaman kung anu-ano ang mga trabahong kailangan ng mga ito.

Binabalangkas na rin umano ng gobyerno ang Philippine qualifications framework para makatulong sa pagresolba ng job mismatch.

Samantala, ipinagyabang naman ng Palasyo ang umano’y 7.5 porsyentong growth na naitala sa gross domestic product (GDP) ng bansa nitong second quarter ng kasalukuyang taon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.