Mga pasahero sa bus na kolorum, walang accident insurance

NAGBIGAY-BABALA ANG Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang makukuhang accident insurance ang mga sasakay sa mga out-of-line na pampublikong bus, sa gitna ng inaasahang pagbiyahe ng mga kolorum na sasakyan ngayong marami ang bumibiyahe para bumoto sa halalang pambarangay o sa paggunita ng Undas sa mga lalawigan.

Ito ang naging babala ni LTFRB Chairman Atty. Winston Ginez sa mga pasahero laban sa pagsakay sa mga kolorum na bibiyahe hanggang sa Araw ng mga Patay.

Pinangunahan ni Ginez ang pag-iinspeksiyon ng LTFRB noong Biyernes sa tatlong terminal ng mga provincial bus, at 14 na unit ang kinumpiska ang plaka dahil walang special permit.

Pinayuhan ni Ginez ang mga pasahero na hanapin ang special permit sa sasakyang bus upang matiyak na awtorisado ang maghahatid sa kanila sa probinsiya.

“There are 587 units who applied and we are currently evaluating them. We will issue the permits on Oct 29. Validity is from Oct. 30 to Nov. 5,” ani Ginez, iginiit na pagmumultahin ng P6,000 ang bus operator na sa unang pagkakataon ay nagpabiyahe nang walang permit.

Sa kabilang dako, kasabay ng paglulunsad ng Oplan Ligtas Biyahe ng Department of Transportation and Communications (DoTC) noong Biyernes ay patuloy na nag-iinspeksiyon ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga bus upang matiyak na ligtas na ma-kabibiyahe ang mga ito, at susuriin maging ang mga driver upang masigurong hindi lasing o nakainom ng alak.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.