Mga pari at obispo, isinalang sa ‘selfie’ seminar

MULING NAGBALIK sa klase ang mga pari at obispo ng Simbahang Katolika hindi para mag-aral ng tungkol sa simbahan kundi para tuklasin ang cyberworld at social media.

Dumalo ang kaparian at obispo sa kauna-unahang Social Media 101 seminar ni Sean-Patrick Lovett, programme director ng Vatican Radio na lumipad pa sa bansa mula sa Roma para ituro ang pagpi-Facebook (FB), Twitter at kumuha ng selfie.

Ito ang unang pagkakataong tinuruan ng social media ang mga pari at obispo ng simbahan na layuning makasabay ang mga ito sa digital age.

Nagulat din si Lovett sa reaksyon ng mga mag-aaral na karamiha’y halos 70-anyos na ang edad matapos ang tatlong oras na sesyon.

Ilan naman sa mga obispo ang naging emosyonal dahil nakausap nila ang mga kakilala gamit ang Internet.

Kakaiba naman ang pakiramdam ni Bishop Buenaventura Famadico ng San Pablo Diocese sa Laguna.

Ayon sa 57-anyos na obispo, “I am a very private person. I still have a very limited appreciation about the Internet and social media,” pero nagbigay daan aniya ang social media para makakonekta siya nang mas madalas sa iba.

Istratehiya ng Simba-hang Katolika na gamitin ang social media para maging “in” sa mga kabataan.

Bagama’t nahihirapan pa, alam ng kaparian ang importansya ng social media sa kasalukuyang panahon.

Inaral din ng mga ito kung paano gawing nakahihikayat ang mga mensahe sa Internet.

Tinuruan din ang mga ito na mas epektibo ang mensahe kapag maiikli ito at gagamitan ng mga larawan.

Pinaalalahanan din sila na maging mapagmatiyag kapag naka-online.

Maaalala na una nang tinawag ni Pope Francis na biyaya mula sa Panginoon ang Internet.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.