Mga Negosyante, Umapela Para sa Total Rehabilitation ng Navotas Fishport

UMAPELA SA tanggapan ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang mga mangangalakal at kapitalista na isulong na sa lalong madaling panahon ang pagsasagawa ng total rehabilitation sa Navotas Fishport na matatagpuan sa nasabing lungsod.

Matagal nang inirereklamo ng mga mangangalakal at mamumuhunan sa PFDA ang maraming taon na nilang dinaranas na kalbaryo sa palagiang pagkalubog sa tubig-baha lalo na kapag sumasapit pa ang panahon ng high tide.

Ayon kay Port Manager Engineer Rodrigo Bulaon ng PFDA, sadyang kailangan na ng ganap na rehabilitasyon ng Navotas Fishport dahil sa lubhang katandaan na o pagkaluma na ng istraktura nito at palagian pang nalulubog sa tubig-baha kung saan labis na nahihirapan naman ang naturang mga mangangalakal at kapitalista gayundin ang mga mamimili o mamakyaw ng iba’t ibang uri ng mga panindang isda sa loob ng nasabing pondohan.

Nalulubog pa rin sa tubig-baha ang nasabing pondohan ng mga isda kahit kaunting pagbuhos lamang ng ulan.

May kabuuang P2.1 bilyon ang kakailanganing badyet para itustos sa pag-a-upgrade o pagsasaayos ng Navotas Fishport na manggagaling sa Department of Agriculture (DA), ayon kay Engineer Bulaon.

Aniya, aabutin ng tatlong taon ang bubunuin para ganap na maisaayos ang buong istraktura ng Navotas Fishport sakaling maisakatuparan ang rehabilitasyon nito. May kabuuang limang pier o pantalan ang naturang pondohan at ito ay mula Pier 1 hanggang Pier 5.

Inihayag din ni Engineer Bulaon na malaki ang nai-aambag sa ekonomiya ng bansa ang malaking halaga ng kita ng naturang pondohan mula sa pagne-negosyo ng mga mangangalakal at kapitalista na huma-hango ng iba’t ibang uri ng mga panindang isda buhat sa nabanggit na pondohan.

Bukod pa, aniya, ang benepisyong naidudulot ng naturang fishport sa nakararaming mamimili o mangangalakal na mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan dahil sa nasabing pondohan nanggagaling ang supply ng iba’t ibang klase ng panindang isda.

Samantala, nitong nakalipas na Agosto 11, 2013 nang ipagdiwang ng PFDA ang ika-37 taong anibersaryo nito.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.