Mga nagbayad sa dagdag-singil ng Meralco, may refund

NASA 37,000 konsyumer ang makatatanggap ng refund mula sa Manila Electric Company (Meralco).

Ayon sa kumpanya, sa mahigit 5 milyong customers nila, 430,000 ang naisyuhan ng bill nitong Pebrero kung saan bukod sa “amount due” ay may “total amount due”.

Sa “total amount due”, nakasama ang dagdag-singil na naunang pinigil ng Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO). Nasa 37,000 komsyumer anila ang nagbayad nito.

Matapos masita at mabatikos, ire-refund ng Meralco sa March bill ang nasingil na umabot ng P58 milyon.

Tatanggalin na rin sa bill ngayong buwan ang pagsali ng naka-TRO na dagdag-singil sa kabuuang babayaran ng mga konsyumer.

Gayunman, balak pa rin ng mga militanteng grupo na ipa-contempt sa SC ang Meralco.

Para kay dating Congressman Teddy Casiño ng grupong Power, na siyang unang nagbulgar ng nasabing isyu, sinadya ng Meralco na lituhin ang publiko.

Inihirit naman ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na dapat doblehin ng Meralco ang refund bilang danyos sa abalang idinulot ng nakalilitong bill.

May pakunswelo rin ang Meralco sa mga konsyumer dahil base sa paunang impormasyon, may namumurong pagbaba sa generation charge ng kuryente ngayong buwan.

Siniguro naman ng Meralco na sasapat ang suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupan ngayong summer season kahit matadtad ng brown-out ang maraming lugar sa Visayas at Mindanao.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.