Mga Miyembro ng Caloocan-SAID, Pinasisibak

HINIHILING NG mga respetadong pulis ng Caloocan City Police Station ang madaliang pagsibak sa lahat ng kagawad ng Station Anti Illegal Drug (SAID) dahil umano sa mga kinasasangkutang anomalya.

Ayon sa mga ayaw magpakilalang pulis, na nakata-laga sa nasabing himpilan ng pulisya, halos lahat ng mga hinuhuling sangkot sa droga ay ibinabangketa umano para pagkaperahan.

Kapag nakuha na ang pera ay tinutuluyang kakasuhan ng paglabag sa RA 9165 Section 5 at 11 kahit walang nakuhang basura para masabi na lehitimo ang kanilang panghuhuli.

Nabatid pa sa source, kapag dumating daw ang hating-gabi ay ginagawang beerhouse ang kanilang tanggapan at kapag mga lango na umano sa alak ang mga taga-SAID ay nagpapakuha sa kanilang striker ng mga babaeng bayaran at doon mismo sa loob ng naturang tanggapan ay pinagsasayaw nang hubo’t hubad ang babaeng bayaran at pagkatapos ay pinagpaparausan na.

Napag-alaman pa,lagi raw naka-padlock ang pintuan ng SAID para walang makitang mga nakakulong sa detention cell nito at hindi umano mawari kung anong misteryo ang nagaganap sa loob ng nabanggit na opisina.

“Kaya tuloy bulag ang mga tao kung anong misteryo ang nagaganap sa loob ng SAID at wala ring kaalam-alam sa nagaganap na iligal na “cash-sunduan” sa pagitan ng mga operatiba ng nabanggit na departamento at mga nahuhuli sa droga,” sabi pa ng source.

Idinagdag pa ng source, dapat lamang na masibak ang mga bulok na miyembro ng SAID dahil nadadamay ang mga mabubuting pulis na gumagawa ng kanilang tungkulin.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.