Mga kalansay sa loob ng barko (Mga biktima ng M/V Princess of the Stars)

ANG KALANSAY NG mga biktima noon ng barkong M/V Princess of the Stars na hindi pa natatagpuan ay maaari nang makita ngayon ng kanilang mga kamag-anak, ito ang paniwala ng ilang trabahador mismo na nagbabaklas sa nasabing barko.

Ayon sa nasabing mga trabahador na ayaw magpabanggit ng pangalan sa takot na tanggalin sa trabaho, nagsimula silang mag-chop-chop sa nasabing barko noon pang nakaraang buwan sa isang yarda sa Navotas kung saan ang M/V Princess of the Stars ay dinala matapos itong mabili sa halagang P95M na umabot na sa halagang P140M dahil ginastusan pa ito ng P45 milyon sa pagpalutang at paghatid sa Navotas.

Matatandaang ang M/V Princess of the Stars ay lumubog noong Hunyo 21, 2008 sa karagatan ng San Fernando, Romblon habang ito ay naglalayag patungong Cebu sa kasagsagan ng bagyong Frank.

Napag-alaman din na ang nasabing barko ay may kargang “endosulfan” o nakalalasong kemikal noong ito ay lumubog.

Sa nasabing insidente ay marami ang namatay kung saan tinatayang nasa 802 pang mga pasahero ang hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Ipinahayag pa ng nasabing mga trabahador na puno pa umano ng tubig ang loob ng barko at ilang kasamahan nila na sumisid dito ang nagpapatunay na napakaraming kalansay ng tao ang nakalubog sa tubig, kung saan pinaniniwalaang ang mga ito ang hindi pa natatagpuang mga pasaherong biktima.

Napag-alaman din na ang nakabili nito na nakilalang si Alfonso Ong at Danny Ang ay nagmamalaki pa umano na hindi na mababawi sa kanila ang nasabing barko dahil sa kamag-anak ni Ong ang isang opisyal sa Malacañang na malapit kay Pangulong Noynoy Aquino.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi man lang nakapasok sa nasabing “yarda” sa Navotas ang mga kagawad ng CIDG at PNP Maritime noong nakaraang linggo upang busisiin ang nasabing barko.

Matatandaan na nauna nang nagpahayag si PAO Chief, Atty. Persida Acosta na kung batas ang pagbabasehan ay hindi maaaring galawin ang nabanggit na barko dahil hindi pa tapos ang kasong isinampa ng mga kaanak ng mga biktima sa nasabing trahedya. (PARAZZI INVESTIGATIVE TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.