Mga inutil at mapagkunwari!

NANG MAPANOOD KO sa news ang mga kawani ng Department of Labor and Employment na pumunta sa aksidente sa constuction site ng Eton Residences sa Makati – kung saan sampu sa mga trabahador ang namatay – para imbestigahan ang working conditions ng mga trabahador at pagkatapos ay nagbigay ng pahayag na below minimum wage daw ang suweldo ng mga construction workers doon, muntik ko nang basagin ang aking television set.

Kung hindi lang kasalanan sa batas ang manakit ng tao, baka sinapatos ko na ang mga pagmumukha ng mga taga-DOLE na ito kung nataon lamang na sila ay nasa harapan ko nang mga oras na iyon.

Matagal nang alam ng mga taga-DOLE na ang mga trabahador sa halos lahat ng mga construction sites ay below minimum wage ang pasahod at kalunus-lunos ang kanilang mga kalagayan. Ngunit nagbubulag-bulagan lamang sila, at tanging sila lamang ang nakakaalam kung bakit animo’y may mga catarata silang lahat sa talamak na problemang ito.

At saka lamang sila magpapakita ng simpatiya sa mga pinagsasamantalahang trabahador kapag nabuking na ang pagsasamantala sa mga ito, samantalang sa umpisa pa lang ay nasa kapangyarihan naman nila ang ituwid ang mga pang-aapi ng mga contractor sa mga pobreng construction workers.

Pero para sa iba ang “ilang pirasong pilak” ang may taglay ng kapangyarihan dahil ito ang nagpapabulag, nagpapainutil at nagpapahudas sa kanila.

Halos araw-araw, walang patid, hindi nagkulang ang inyong SHOOTING RANGE na impormahan ang DOLE, sa pamamagitan ng WANTED SA RADYO, tungkol sa talamak na problemang paglabag ng maraming mga employer sa ating minimum wage law matapos magreklamo ang maraming mga empleyado.

Kung hindi pa kami tatawag sa DOLE, hindi pa nila malalaman na maraming kompanya pala ang hindi nagpapasahod nang wasto. Ang malaking tanong, ano ang ginagawa ng kanilang mga field inspectors?

Ngayon naman tatanungin ko kayo, may nabalitaan na ba kayong isang kumpanya, malaki man o maliit, na kinasuhan ng DOLE dahil sa paglabag sa minimum wage law? O siguro ang dapat na tanong ay na-monitor n’yo na ba ni minsan na nagsalita sa media ang DOLE para ipaalam ang tungkol sa isang kumpanya na kakasuhan nila dahil sa maling pasahod?

Isa pa itong mga taga-Bureau of Fire and Protection. Saksakan ng pagkainutil ang marami sa mga inspector nito. Saka mo pa lamang sila makikilala at makikita ang mga pagmumukha kapag may nangyari nang sakuna sa isang establisyamento.

Maraming mga establisyamento na maituturing na unfit and unsafe for dwelling dahil sa kakulangan sa fire exit at fire estinguishers ngunit dinadaan-daanan lamang nila. Paboritong inspeksyunin ng mga fire inspectors ang mga sinehan at pagkatapos ay mga Chinese restaurants. Pero sa akala ninyong safe na kayo kapag pumunta sa mga lugar na ito dahil madalas pasyalan ng mga bumbero, nagkakamali kayo.

Kaya sila madalas napapagawi sa mga nasabing establisyamento ay para makapag-relax nang libre at pagkatapos ay makapag-all you can eat ng free – sa maniwala kayo sa hindi.

Simula sa araw na ito ang WANTED SA RADYO ay may bagong tahanan na. Ito mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5 sa pareho pa ring oras na 2:00-4:00 pm, Monday to Friday.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Mga inutil at mapagkunwari!

  1. Pingback: Tweets that mention Mga inutil at mapagkunwari! | Pinoy Parazzi -- Topsy.com

Leave a Reply

Your email address will not be published.