Mga Ginto, Nasamsam sa Illegal Miners sa CDO

SINAMPAHAN NA ng patung-patong na kaso ang Chinese national at dalawang Pinoy dahil sa illegal mining operations sa Barangay Taglimao sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) executive regional director Ruth Tawan-Tawan, kabilang sa kanilang kinasuhan sa piskalya sina You Cheng ng Fujian, China; Antonio Escudero ng Maramag, Bukidnon; at Jesser Baguio ng Barangay Tuburan, ng siyudad.

Sinabi ni Tawan-Tawan, mismong si Mines and Geosciences Bureau (MGB) regional director Rex Monsanto ang nagsampa ng kasong paglabag ng Section 102 (Illegal Exploration), Section 103 (Theft of Mineral) ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at Executive Order 79 laban sa mga salarin.

Ayon pa kay Tawan-Tawan, naaktuhan ng MGB at mga pulis ang mga suspek na nag-o-operate sa isang barge na dati na nilang sinelyuhan dahil pa rin sa paglabag ng illegal exploration at pagnanakaw ng mga mineral.

Sa isinagawa nilang pagsusuri sa mga kinumpiskang produkto, natuklasan nila ang ilang gramo ng ginto at pilak.

Nakuha rin sa posisyon ng mga salarin ang dalawang plastic matting na mayroong halong mercury amalgam, kalahating balde ng flusher gold concentrate, fine sand na mayroong halong mercury amalgam at wooden pan.

Bagama’t tumanggi si Ching na sabihin kung sino ang kanyang employer, hinala ng mga kinauukulan na nagtatrabaho ito sa KFNet Mining Corporation na isa rin sa apat na mining companies na kinasuhan ng MGB dahil sa illegal mining, mineral theft at illegal exploration.

Mahaharap din si Ching sa mga batas na nakasaad sa Bureau of Immigration matapos matuklasan na wala itong dokumentong pumasok at nagtatrabaho rito sa bansa.

Maliban sa nabanggit na kaso, nahaharap din ang mga suspek sa kasong illegal possession of firearms matapos nakunan ang mga ito ng caliber 357 na mayroong limang buhay na bala.

Si Escudero ang tumatayong interpreter ni Ching habang si Baguio ang nagsilbing personal security escort nito.

Samantala, naka-detine pa rin ang mga suspek sa kulungan sa nasabing lungsod.

Sa ngayon, si Ching ang panglimang Chinese national na nasampahan ng criminal charges ukol sa illegal mining operations, dalawang Korean national at 15 Pinoy illegal miners sa Cagayan de Oro City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.