Mga Estudyante, Pinapahiya Mga Magulang, Umalma sa Eskuwelahan

 

UMALMA ANG mga magulang ng mga estudyante sa ginawang panghihiya ng may-ari ng isang paaralan sa Brgy. Abar 1st sa San Jose City, Nueva Ecija.

Sa exclusive interview ng Pinoy Parazzi kay Guilbert, isa sa mga magulang na umaangal sa umano’y bulok na sistema ng Gracious Sheperd School, dahil sa ginawang panghihiya sa kanyang anak habang nagsasagawa ng flag raising ceremony nito lamang nakalipas na linggo.

Ayon sa batang si Dina (hindi tunay na pangalan), Grade 4, labis ang naramdaman niyang hiya sa kanyang mga kaklase, dahil inisa-isa ng may-ari ng paaralan na si Gng. Milagros Baxa ang mga pangalan na may mga utang sa field trip.

Bukod dito, ganito rin ang naranasan ng mga high school student nang nabanggit na eskuwelahan, kung saan ipinahiya rin umano ni Mrs. Baxa sa harap ng kanilang mga kaklase na may mga utang din sa field trip.

Kasabay nito, binatikos din ng mga magulang ang ginawang pagbabawas ng tatlong puntos sa report card ng mga estudyante na hindi sumama sa nabanggit na field trip na inorganisa ng isang Mrs. Naboye, kung saan hindi umano inabisuhan ang mga magulang sa nabanggit na proyekto ng paaralan, na hindi rin ipinaliwanag kung saan gagamitin ang  ang pondong malilikom sa sinasabing fundraising ni Mrs.Baxa.

Samantala, sa pamamagitan ng tawag sa telepono, mariin namang itinanggi ni Baxa na hiniya nito ang kanyang mga mag-aaral na may utang sa kanila ni Mrs. Naboye, na nagpakilalang asawa ng hepe ng pulis sa nabanggit na siyudad.

Kinuwestyon din ng mga magulang ang sistemang umiiral sa loob ng eskuwelahan, dahil sa ang may-ari ang tumatayong principal, secretary at treasurer. Labis din ang pagtataka ng mga magulang kung bakit karamihan sa mga guro na nagtuturo sa high school ay nagtuturo rin sa elementarya, bukod pa rito ang kawalan ng Parents and Teachers Association (PTA).

Bunsod nito, nanawagan naman ang mga magulang sa tanggapan ni Department  of Education Secretary Bro.Armin Luistro na paimbistigahan ang naturang paaralan sa umano’y mga maling pamamalakad nito.             (TONY DELA PEÑA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.