Mga Epal sa Kaso ni GMA

NAILIPAT NA nang matiwasay si dating pangulong GMA sa Veterans Memorial and Medical Center noong Biyernes ng hapon mula sa St. Lukes Medical Center.

Ngunit bago ang nasabing paglilipat ay umepal muna nang husto ang kampo ni GMA lalo na ang kanyang tagapagsalita na si Elena Bautista-Horn. Kesyo magta-taxi na lang daw sila dahil ilang oras umano silang pinaghintay.

Lintek na buhay ito oo, akala ko ba may “Oplan: Put the little girl to sleep”? Eh, bakit sila nagkukumahog?

Bakit hindi na lang hayaan ang mga pulis na dumiskarte kung paano maililipat sa VMMC nang matiwasay si GMA?

Ito, parekoy, ang dapat tandaan nitong tagapagsalita ni GMA, na kahit ano pa ang kanilang sabihin ay nagdudumilat pa rin ang katotohanan…

Na sa kasalukuyan, kahit sabihin pang under hospital arrest si GMA ay isa pa rin itong bilanggo!

Ibig sabihin, ang kanyang safety at movements ay hindi na siya ang may kontrol kundi ang gobyerno na.

Dahil anuman ang mangyari kay GMA ay gobyerno na ang mananagot.

Kita naman natin nang hinayaan na lang nila na ang mga pulis na ang dumiskarte ay mapayapa naman itong nakarating sa VMMC.

Sa ginagawa ng mga tsuwariwap na ito, lalo lang nilang ini-stress si Gloria.

Aba eh, kapag ganyan ay hindi malayong mangyari nga ang isang senaryo, na…

“Oplan: Patayin sa sindak ang pandak”!!! Hak, hak, hak!

Sa totoo lang, dahil sa kanilang mga inaasal, sa halip na makakuha ng simpatiya ang taumbayan ay lalo tuloy naaasar sa kanilang pinaggagawa at inginangakngak!

Kitang-kita parekoy na may mga “hang-over” pa sa poder ang mga taong ito! P’we!

 

SURIIN NAMAN natin itong pamahalaan ni P-Noy, hindi na nila malaman ngayon kung sino ang kanilang opisyal na tagapagsalita. Aba eh, kahit sino na lang sa taga-Palasyo na kumati ang dila ay walang patumanggang dadaldal.

Gaya na lang ni Sec. Florencio “Buth” Abad ng Department of Budget and Management.

Aba’y hindi na nga naaasikaso ng sipsip na ito ang sandamakmak na trabaho sa DBM na naging sanhi ng pagkaantala ng maraming proyekto, at maging ang pag-release ng PDAF sa minority congressmen… asus at sumawsaw pa ito sa kaso ni GMA.

Ayon kay Sec. Abad, titiyakin daw talaga ng Palasyo ang conviction ni GMA!

Matanong nga kita Sec. Abad, sa anong posisyon ka nagsasalita ng ganyan?

Bilang Kalihim ba ng DBM? Aba eh, tungkol dapat sa budget ang nililitanya mo!

Bilang padre de pamilya ng mga Abad na nagsisiksikan ngayon sa Palasyo? Aba eh, abalahin mo na lang ang sarili mo sa digmaan ng “Samar at Balay” upang hindi ka maungusan ng ibang sipsip d’yan!

O bilang pangunahing sipsip sa Pangulo? Ang lakas mo namang umepal bossing!

Baka naman mamaltos na ang wetpu ng Pangulo at balisawsawin ito sa sobrang paninipsip mo?

 

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: junbriones69@yahoo.com; call or text 09321688734. 

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.