Mga doktor, dismayado sa AD ng BIR

DUDA ANG Philippine Medical Association (PMA) na epektibo ang bagong patalastas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa tamang pagbabayad ng buwis.

Muling nagpahayag ng pagkadismaya si Philippine Medical Association (PMA) President Leo Olarte sa bagong advertisement ng BIR at iginiit na taliwas sa layon ng kagawaran ang naging epekto nito sa mga doktor.

“Hindi po magandang campaign ‘yan, hindi po magiging strategy ng BIR para po ma-inspired ang mga doktor sa pagbayad ng buwis,” pahayag ni Olarte.

Aminado si Olarte na may isa hanggang tatlong manggagamot sa kanilang hanay na hindi nakapagbabayad ng tamang buwis pero hindi aniya ito sapat na dahilan upang akusahan silang lahat.

“Kung meron man pong isa o dalawang doktor na hindi nagbabayad ng buwis dahil po nakakalimutan o hindi po marunong magbayad, hindi po ‘yan dahilan upang magbibigay po ang BIR ng sweeping accusation laban sa mga doktor na sila ay tax evader,” ani Olarte.

Aniya hindi nakipag-ugnayan sa kanilang hanay ang ahensiya para magbayad ng tamang buwis. Gayunman, sila mismo ang gumagawa ng paraaan na makausap si Commissioner Kim Henares.

“Kami po ay nagsisikap na makausap namin ang commissioner ng BIR para po sila makipagtulungan po sa amin at magbibigay po sa amin ng seminar at magtuturo po kung papaano kami makapagbabayad ng tamang buwis, ‘yung computation, ‘yun po ang mga importanteng dapat malaman ng mga doktor,” dagdag pa nito.

Apela pa ng pangulo ng PMA na hindi dapat binabastos ang mga propesyunal katulad nilang mga doktor lalo’t naaasahan aniya sila sa panahon ng mga kalamidad.

Sa bagong patalastas ng BIR, makikita ang isang babaeng doktor na pasan-pasan at nakaupo sa balikat ng isang babaeng teacher habang nagtuturo sa klase.

Sa caption, inihalimbawa nito ang manggagamot na si Marjorie Villena na kumikita ng P1-milyon pero nagbabayad lamang ng mahigit sa P7,000 buwis.

Ang teacher naman na si Carina Santos, sumusuweldo lamang ng mahigit P800,000 kada taon pero nagbabayad ng P200,000 buwis.

Makikita rin sa caption ang mga katagang “When you don’t pay your taxes, you’re a burdern to those who do”.

Pero, nilinaw ni Olarte, wala silang kasapi na Marjorie Villena na binanggit sa patalastas.

Dagdag pa niya, dahil hindi kasapi ng PMA ang lahat ng mga doktor, pinatingnan aniya nila sa tala ng Professional Regulation Commission (PRC),pero wala aniya ang pangalan ni Villena maging sa tala ng PRC.

Una nang dinepensahan ni Henares ang naturang patalastas. Iginiit nito na hindi nila nilalahat ang mga doktor.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.