Mga bus ng Florida Transport, tinanggalan na ng plaka

SINIMULAN NA kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbaklas sa mga license plates ng buong fleet ng GV Florida Transport, matapos  itong masangkot sa  aksidente sa Mt. Province na ikinasawi ng 15 katao kabilang na ang komedyanteng si Tado Jimenez.

Sinabi ni Chairman Winston Ginez na inisa-isang suriin ng kanilang mga tauhan ang chassis at engine numbers ng mga bus units para matingnan kung magkakatugma ang mga ito.

Unang tinungo ng opisyal ang mga terminal ng bus company sa Cubao, Quezon City at Sampaloc sa Maynila.

Una nang pinatawan ng nasabing ahensiya ng 30-day suspension ang bus firm dahil sa nangyaring madugong trahedya.

Inihayag ni Ginez na kabilang sa rotang apektado ng kanilang suspension order kontra sa Florida Bus ay ang biyaheng mula Metro Manila, Cagayan, Nueva Vizcaya, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Mt. Province at Bataan.

Natuklasan din ng LTFRB na hindi awtorisado na bumiyahe ng Mt. Province ang bus na naaksidente dahil ang ginamit na plaka nito ay ang prangkisa ng isang maliit na bus company sa Mt. Province.

Nanawagan din si Ginez sa taumbayan na ipagbigay alam sa LTFRB kung may nakikita silang Florida Bus na bumabiyahe pa rin.

Samantala, itinakda na ng ahensiya sa Pebrero 19 ang public hearing sa kaso ng Florida Bus at Mt. Province Cable Tours.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.