Mga batang malnourished, 6 na buwang pakakainin

SIMULA NGAYON HANGGANG sa unang buwan ng taong 2013, magsasagawa ng feeding program ang pamahalaang lungsod ng Navotas, para sa mga kabataang may suliranin sa kalusugan o mga malnourished.

Inatasan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco, ang City Social Welfare and Development at City Health Office, na magsagawa ng programa hinggil sa pangkalusugan at tanging ang makikinabang nito ang mga pinakamahihirap na pamilya ng lungsod.

Sa launching na ginanap sa harapan ng city hall, bilang paggunita ng Nutrition month, nakisalamuha si Tiangco sa mga kabataang mahihirap na may edad na anim na taong gulang pababa na binigyan ng masustansiyang pagkain at inumin.

Sinabi pa ng alkalde, tatagal ang programang ito ng lokal na pamahalaan ng anim na buwan nang sa gayon ay matugunan nila ang problema ng lungsod sa malnutrisyon.

Kinausap na rin ng alkalde ang ilang city officials upang makapaglaan ng sapat na pondo sa programang ito.

“Isang malaking bagay ito para sa mga mahihirap na Navoteño, sa ganitong paraan maiibsan ang kagutuman at kahirapan na dinaranas ng mga kapus-palad na residente,” ani pa ng alkalde.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.