Mga alahas ni Imelda, binabawi ng Sandigan

IMINUNGKAHI NG Presidential Commission on Good Government (PCGG) na i-exhibit ang mga alahas ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Rep. Imelda Marcos na ipinababawi na ng Sandiganbayan.

Ayon kay PCGG Chairman Andy Bautista, bukod sa makikita ito ng taumbayan at mga dayuhang turista, tataas din ang market value ng mga nasabing alahas kung i-e-exhibit.

Plano rin nilang i-auction o ibenta ang mga alahas kalaunan, pero iginiit ni Bautista na nasa tanggapan pa rin ni Pangulong Aquino ang pinal na desisyon sa mga ito.

Nilinaw na rin ng PCGG na bagama’t ikinagagalak nila ang kautusan ng Sandiganbayan, nakaantabay pa rin sila sa posibleng pag-apela ng Pamilya Marcos sa Supreme Court (SC) para maibalik sa kanila ang mga alahas.

Inihayag din ni Bautista na may tatlong koleksyon ng alahas ang mga Marcos at ang ipinababawi ng Sandiganbayan ay ang tinatawag na Malacañang collection.

Aniya, ito ang pinakamura sa tatlong koleksyon na nasa “few million US dollar” ang halaga at nakalagak sa basement ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Samantala, may Hawaii collection pa aniya na dinala ng Pamilya Marcos sa Estados Unidos at kinumpiska ng awtoridad doon saka ibinalik sa Pilipinas.

Pinakamahal naman sa tatlo ang Roumeliotes collection na nakumpiska at kasalukuyang hawak ng Bureau of Customs (BOC).

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.