Mga alagang hayop, nilapa Aswang, umatake

NABABALOT NGAYON ng matinding takot at sindak ang mga residente ng isang barangay sa Bulakan, Bulacan dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng kanilang mga alagang hayop at ang hinala ng iba ay kagagawan diumano ng isang aswang.

Nabatid na ilang may-ari ng mga hayop sa Brgy. Balubad, Bulakan, Bulacan, na si mang Berting, na nagkangamatay ang mga alaga nitong itik, na butas ang mga lalamunan.

Ayon naman kay Mat Tansinsin, may-ari ng 4 na baboy na nabiktima, nakita niya nu’ng umaga ng Set. 28 ang kanilang alagang hayop na labas ang bituka at tadtad ng kalmot at kagat. Napansin din nila na may sumipsip sa dugo ng kanilang alagang baboy.

Si  Benigno Dela Peña naman ay namatayan ng 24 na bibe. Pagkalipas ng isang linggo, 12 bibe pa at 6 na manok.

Aniya, tanggal ang mga bituka ng kanilang mga alagang hayop nang kanyang madatnan. “At ang ipinagtataka ko ay kung bakit wala man lang tumahol na mga aso sa mga oras na nilalapa ng “aswang” o nilalang ang aking mga alaga,” ani ni Dela Peña.

Hindi lang umano mga baboy, bibe at manok ang pinapatay at kinakain ng “asawang”, pati umano kambing ay pinapatulan nito.

Ayon naman kay Aling Ason Mahinay, may nakita siyang malaking asong puti nu’ng gabing kinakain nito ang mga hayop, pagkaraan naman ng isang araw, malaking pusang itim naman. “Sa aming lugar sa Bisaya, ‘pag ganyang pabagu-bago ng itsura ang isang hayop, may posibilidad na ito ay isang aswang. “

Ang insidente ng pagkamatay ng mga alagang hayop sa Brgy. Balubad ay iniimbestigahan na ngayon ng mga pulis at Municipal Agricultural Office.

Base naman sa pag-aanalisa ng Municipal Agricultural Office, ang mga tinamong sugat ng mga namatay na baboy ay mayroon umanong “bite marks pattern”, na pawang  mabababaw na sugat. Concentrated din sa paa at leeg ang mga sugat.

Maaaring sa paggalaw o pagpupumiglas ng mga baboy kaya nakuhang mapunit umano ang mga balat nito. Intact naman po ang bahagi ng katawan at walang lamang-loob na nawala. Concentrated din ang dugo sa iisang lugar at maituturing nagkaroon ng “massive blood loss” o dagliang pagkaubos ng dugo sanhi ng pagkamatay ng mga baboy.

Base sa panayam ng mga nakasaksing may-ari ng ibang hayop na napatay, naabutan nila at nabugaw papalayo ang aso sa bangkay ng mga hayop.

Bagamat iba’t ibang bersyon nila sa kulay ng aso, may puti at may nagsasabing kulay itim. Ang aso din umano ang may pinakamalapit na uri ng hayop na maaring gumawa nito.

(Tony dela Peña) 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.